BALARAW
ni Ba Ipe
HAYAAN na magbalik tanaw sa kasaysayan. Hayaan na talakayin ang kuwento ng dalawang mamamatay tao sa kasaysayan ng Italya noong Pangalawang Digmaan Pandaigdig: Col. Herbert Kappler at Commander Erich Priebke. Nanungkulan si Kappler bilang hepe ng pulisya ng Roma noong kunin ng Nazi Germany ang Italya pagkatapos ng pagbagsak ng gobyerno ng diktador Benito Mussolini noong 1943.
Si Priebke ang kanyang ayudante. Pareho silang Aleman at bahagi ng SS, ang organisasyon na itinayo ni Heinrich Himmler, isang pangunahing lider Nazi, upang ipagtanggol si Adolf Hitler, diktador ng Nazi Germany, sa anumang kapahamakan. Itinuturing sila na panatikong tagasunod ni Hitler at ng lapiang Nazi, o National Socialist.
Malakas ang puwersang partisano at gerilya sa Roma nang dumating sina Kappler at Priebke upang pangasiwaan ang pulisya roon. Hindi maganda ang relasyon ng Nazi Germany sa Vatican at kahit deklaradong “neutral” ang Vatican sa digmaan, pinaghinalaan ni Kappler at Priebke na palihim na nagkanlong ang Vatican ng daan-daang sundalo ng puwersang Allied, Hudyo, at iba pang kalaban ng Nazi Germany sa digmaan.
Pinaghinalaan ng dalawang lider Nazi na isang pari na Irish – Bishop Hugh O’Flaherty, isang Hesuwita – na nanguna sa sekretong organisasyon ng mga kontra Nazi sa Italya. Nagtrabaho noon si O’Flaherty sa Curia ng Vatican. Dahil mayroon siyang diplomatic immunity, hindi nila madakip si O’Flaherty. Ngunit hindi ito ang kuwento.
Ang pinakamalaking kuwento ay ang Ardeatine Massacre noong 1944 kung saan pinangunahan ni Kappler at Priebke ang pagpatay sa 335 Italyano at Hudyo. Ito ang ganti sa pagkamatay ng 33 sundalong Aleman na tinambangan ng mga gerilya sa Roma. Inuutos ni Hitler ang pagpatay sa katumbas na sampung Italyano sa bawat isang namatay na sundalong Aleman.
Sa pagwawakas ng digmaan, dinakip ng nanalong puwersa si Kappler, nilitis sa sakdal na crimes against humanity kaugnay sa Ardeatine massacre, at nahatulan ng 20 taong kulong. Hindi pinakinggan ng hukuman ng Italya ang kanyang katuwiran na sinunod niya ang utos ni Hitler. Sinunod ng hukuman ang doktrina sa batas na unang inilatag sa Nuremberg Trial ng 1945 na hindi maaaring ikatwiran ng sumusunod lang sila sa utos ng diktador.
Nang makulong si Kappler, naging kaibigan niya si O’Flaherty na kanyang kaaway. Dinalaw siya ni O’Flaherty minsan kada buwan sa kulungan. Natigil ito nang magkasakit at namatay si O’Flaherty noong 1963. Isang Protestante si Kappler ngunit noong 1949, sumapi siya sa Simbahang Catolico Romano. Inilihim ito dahil ayaw ni Kappler at O’Flaherty na masabing humingi ng pabor ang Aleman sa awtoridad ng kulungan. Nabunyag ito noong 1969.
Diniborsiyo ni Kappler ang unang asawa at naging pangalawang asawa ang nars na katulong sa piitan. Noong 1970, ipinuslit siya ng asawang nars at ibinalik sa Alemanya. Maysakit na kanser si Kappler at bumagsak ang katawan sa bigat na 105 libras. Isinilid siya ng asawang nars sa isang travelling bag at madaling ipinuslit papunta sa Alemanya. Namatay siya noong 1971.
Tumakas si Priebke sa Timog Amerika pagkatapos ng gera at katulad ng mga tumakas na Nazi, dinala niya ang bagong pangalan – Otto Kape. Namuhay na isang malayang tao sa sumunod na 40 taon si Priebke hanggang ibunyag siya sa isang aklat na isinulat ng isang intelektuwal, si Edmund Buch. Hinanap siya ng isang pangkat ng mga mamamahayag na Amerikano at nagbigay ng panayam si Priebke noong 1994 sa ABC kung saan inamin niya na responsable siya sa pagpatay ng 335 Italyano.
Hiningi ng gobyerno ng Italya sa Argentina ang extradition o pagbabalik ni Priebke sa Italya upang panagutin sa salang crimes against humanity kahit matanda na siya. Nagkaroon ng matinding labanan sa korte at nagwakas ito sa pagbabalik ni Priebke sa Italya kahit 83 anyos na siya. Nilitis siya nang dalawang beses.
Hindi hadlang ang katandaan sa pagpapanagot kay Priebke. Sa pagtatapos ng labanan sa husgado, nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo si Priebke. Namatay siya sa kulungan sa edad na 100 anyos noong 2013.
Marami sa pamilya ng mga pinaslang sa Ardeatine Masaker ang pawang namatay, ngunit kahit iilan ang natira, itinuloy ang pag-usig kay Priebke. Hindi nagtagumpay ang pakikialam ng magugulong neo-nazi sa pag-usig sa kanya.
Matinding aral ang ibinigay ng dalawang opisyal na Nazi na pawang hinabol at nahatulan ng pagkabilanggo sa sakdal na crimes against humanity, o ang pagpatay sa mga sibilyan noong digmaan. Maiging malaman ng mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) na ganitong sitwasyon ang kanilang haharapin kapag sumusulong ang sakdal na crimes against humanity laban kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat tulad ni Dick Gordon, Alan Peter Cayetano, Bato dela Rosa, Jose Calida, Vitaliano Aguirre, Oscar Albayalde, at iba pa.
Sumulong ang sakdal na crimes against humanity na unang isinampa ni Sonny Trillanes at Gary Alejano noong 2017 sa International Criminal Court laban kay Duterte at mga kasapakat. Nagdesisyon noong ika-15 ng Setyembre ngayong taon ang Pe-Trial Chamber ng ICC na umpisahan sa madaling panahon ang formal investigation ng sakdal laban kina Duterte at kasama. Unang inirekomenda ni Fatou Bensouda ang formal investigation noong ika-14 ng Hunyo, o isang araw bago siya nagretiro bilang hepe ng ICC Office of the Prosecutor. Sinang-ayunan ito ng Pre-Trial Chamber.
Hindi maaari na hindi managot si Duterte at mga kasapakat sa pamamaslang sa libo-libong mamamayan sa kanyang madugo ngunit bigong digmaan kontra droga. Kailangan ang pangingibabaw ng batas. Hindi dapat pahintulutan ang mga patayan dahil lamang sa mga hinala na sangkot sila sa droga bilang adik o nagtutulak.