Friday , November 22 2024
McCoy de Leon, Yorme

McCoy de Leon magaling na actor; Yorme ambisyosong pelikula

HATAWAN
ni Ed de Leon

INIIWASAN namin iyang mga preview ng pelikula. Basta sinabing preview, hindi bale na lang. Pero kinumbinsi kami ng aming kaibigang si Lyka Boo. Sabi niya, ”gusto kong mapanood mo ang mga musical number, at saka anim na tao lang tayong manonood.”

Napapayag kami. Dinatnan na namin sa preview room ang director ng pelikulang Yorme, ang kaibigan din naming si Joven Tan.

Nagsimula ang pelikula sa kuwento ng isang bata, si Raikko Mateo, na agad na nasundan ng isang musical number. Malaki ang musical number na iyon sa tambakan ng basura. At aaminin naming, nasiyahan kami. Nagbalik sa aming alaala ang mga musical number sa mga pelikula noon ng MGM. Parang iyong mga eksena nina Fred Astaire at Gene Kelly, tama ang musika at nagpakita ng “precision dancing.”

Wala ng gumagawa ng ganyan sa ngayon dahil pati extra niyan mahal ang bayad, kailangan kasi dancer.

At hindi lang isa, napakaraming kanta na lahat may production numbers. Kung ang pelikulang iyan ay mapapanood ni Kuya Germs, sigurado kami uulit-ulitin.

Napansin din namin, bukod sa batang si Raikko, si McCoy de Leon at Xian Lim, lahat ng artistang lumabas sa pelikula ay galing sa That’s Entertaiment kasi, ”tribute ko iyan kay Kuya Germs at sa lahat ng mga taga-‘That’s’ na nagbigay kasiyahan sa publiko sa loob ng isang dekada,” sabi ni direk Joven.

At sasabihin na rin namin ang totoo, ngayon lang namin napanood si McCoy. Kung napansin ninyo, hindi namin isinusulat iyan, kasi hindi naman namin napapanood. Magaling palang actor iyong bata. Hindi namin sinasabing artista lang, kundi actor dahil may lalim ang kanyang ipinakitang acting.

Panay ang tukso nila sa amin nang lumabas na si Janno  Gibbs bilang si Kuya Germs. Alam din naman nila na kabigan namin si Kuya Germs. Hindi namin masasabing nakopya ni Janno si Kuya Germs, pero naroroon ang mahahalagang element sa kuwento. Kung paano siya mangaral sa mga bagong artista, ang mga kuwento kung paano siya nagsimula sa Clover, at ang kanyang pananampalataya sa Diyos.

Sa Amerika, ang mga ganyang musical ay may kasamang ”libretto”, o isang maliit na libro na nasusulat ang musika ng pelikula, pero sabi ni direk Joven, ”wala kami niyon.”

Nang tanungin namin kung sino ang gumawa ng musika, sinagot niya kami ng, ”eh di ako.”

Binubuo niya ang musika at lyrics, kinakanta niya sa tape recorder, at ipinadadala sa isang musical arranger para isulat ang musika, matugtog ng mga musician, at maawit ng mga artista.

Isang ambisyosong proyekto iyang Yorme. Kung ano man ang dahilan ni Joven at ginawa niya iyan ay hindi na namin itinanong, pero isa lang ang masasabi namin, nakahihinayang kung ang pelikulang ganyan ay hindi mapapanood na big screen. Isa iyon sa ikinalulungkot namin sa buhay. Lahat ng mga paborito naming pelikula ay napapanood namin sa maliit na screen lang dahil nasa video na. Hindi namin naabutan ang pagpapalabas niyon sa mga sinehan. Hindi namin napanood ang pagsasayaw ni Gene Kelley sa ulanan sa Singing in the Rain. Hindi rin namin nakita sa sinehan si Fred Astaire sa Shall we Dance o sa Swing Time.

Hindi namin nakita ang mga facial expression ni James Dean sa East of Eden. Hindi rin namin na-enjoy sa loob ng sinehan ang palitan ng dialogue nina Humprey Bogart at Ingrid Bergman sa Casablanca, o sina Vivien Leigh at Marlon Brando sa Streetcar Named Desire. Napanood na lang namin ang lahat ng iyan sa video.

Iyang Yorme, hindi iyan iyong papanalunin ng awards ng mga kritiko, pero iyan ang magugustuhang panoorin ng masa, lalo na iyong mga mahihilig sa sayaw at sa musika. At idagdag nga natin ha, with apologies sa ibang mga artista sa pelikula, ang sensitibong acting ni McCoy.

Kung sabihin nga ng iba, unfair ako sa pelikula. Karamihan sa pinanonood ko hindi ko tinatapos kahit na sa sinehan. Iyong mga preview noong araw, naiinip ako at lumalabas din. Bihira akong makatapos ng pelikula eh at lalong bihirang ang isang pelikulang napanood ko na ay uulitin ko pang panoorin. Sa matatandaan namin, ang pelikulang pinakamaraming ulit naming napanood ay iyong Sound of

Music, na laging apat na beses naming pinanood sa halos tatlong buwang pagpapalabas noon sa Ever Theater, iyong The Great Waltz na walong beses naming napanood sa Ideal Theater noong araw, at iyong The Longest Day na limang ulit naming napanood sa iba’t ibang sinehan.

Iyang Yorme, nakakaisa pa lang kami.

About Ed de Leon

Check Also

Lala Sotto

Negros Occidental katuwang na ng MTRCB tungo sa Responsableng Panonood

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio MATAGUMPAY na idinaos ng Movie and Television Review and Classification …

Candy Veloso kay Angelica Hart Pin Ya

Candy Veloso, nag-enjoy kay Angelica Hart sa pelikulang Pin/Ya

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio PURING-PURI ng sexy actress na si Candy Veloso ang kapwa …

Uninvited Nadine Lustre Vilma Santos Aga Muhlach Cast Grand Launch

Uninvited Grand Launch engrade at ginastusan ng malaki

MATABILni John Fontanilla BLOCKBUSTER kung maituturing ang katatapos na Grand Launching ng Uninvited na entry ng Mentorque Productions at Project …

Rhian Ramos JC De Vera Tom Rodriguez Benjamin Austria

Rhian proud na nakatrabaho si Direk Joel makaraan ang 2 dekada

MATABILni John Fontanilla MASAYANG-MASAYA si Rhian Ramos sa magandang pag aalaga sa kanila ng producer ng pelikula …

Arjo Atayde Maine Mendoza Topakk

Arjo itotodo ang lakas sa Topakk

RATED Rni Rommel Gonzales KUNG abalang-abala si Arjo Atayde bilang isang mahusay na aktor at masipag na …