GINAMIT ni Manny Pacquiao ang pagsikat ng kanyang pangalan sa boksing para patatagin ang kanyang ‘poder’ sa kanilang probinsiya.
Bakit hindi?
Dahil ang bokisngerong si Pacquiao ay hindi na lamang isang sportsman, isa na siyang malaking negosyante sa kanilang bayan, at sa buong bansa.
Siyempre, alangan namang patulugin niya ang kanyang multi-milyong dolyares sa banko na kinita niya mula sa boksing, product endorsements, at iba pang by-products ng kanyang pagiging sportsman. Kailangan niyang magnegosyo upang hindi masaid ang ‘katas’ ng kanyang mga pasa at bugbog mula sa boksing. ‘Yan ‘yung literal na mula sa ‘pawis at dugo’ ang yaman ni Pacman.
By the way, may ‘royalty fee’ kaya si Manny sa One Patriotic Coalition of Marginalized Nationals
(1-PACMAN) partylist, sa paggamit ng kanyang pangalan?!
Kasama ba ‘yan sa by-products ng kanyang pagiging sportsman? He he he…
O kasama lang ito sa pagpapatatag ng kanyang poder, considering na isang bilyonaryong sportsman din ang no. 1 nominee nito at matagumpay na nakaluklok ngayon sa Kamara.
Noong 2010, sumabak sa ‘kural ng politika’ si Pacman bilang kongresista ng Sarangani. Siya ay naging kinatawan ng Sarangani sa Mababang Kapulungan hanggang 2016 sa ilalim ng partidong People’s Champ Movement.
At noong 2016, sumabak siyang muli para manatili sa Kongreso, hindi bilang kinatawan ng Sarangani, kundi bilang isang senador.
At dahil maraming fans at may name recall, lumusot sa senado ang boxing champ.
May mga pasiklab din ng expose kuno si Senator Manny, pero nasaan na?! Puro ‘supot’ lang ba ‘yang mga pasabog na ‘yan?!
At ngayong 2021, nagdeklara si Pacman lalahok sa bakbakan ng mga gustong maupo sa Malacañang.
Gaya sa isang desperadong manunuyo, tila isang loro ngayon si Senator Manny na ginagagad ang mga OPM o mga linyang ‘Oh Promise Me’ ng mga politikong ginamit ang mga salitang magsisilbi sa bayan, walang magugutom, walang titira sa lansangan, walang batang hindi papasok sa eskuwela, dadamihan ang trabaho, papasok ang malalaking investors etc., at wawakasan ang katiwalian sa burukrasiya.
Kabisado na namin ‘yan Senador Manny. Tuwing eleksiyon nakukulili na ang tainga ng sambayanan. Hindi pangako ang kailangan ng mga Filipino. Ipakita mo kung ano ang pruweba mo sa serbisyo publiko.
Mula 2010 hanggang sa kasalukuyan, may ginawa ka ba para tuluyang wakasan ang korupsiyon? Member ka nga ng Blue Ribbon Committee at ngayon ay naka-ride-on sa mga nag-iimbestiga sa katiwaliang ginamit ang pandemya na kinasasangkutan ng PS-DBM, DOH, at Pharmally Pharmaceutical Corporation, pero ikaw mismo bilang isang public servant at sabi mo nga ay Christian, nabawasan mo ba ang paghihirap ng mga kababayan mong ‘sinasalanta’ ang kalusugan at kabuhayan ng Covid-19?
Kagalang-galang na senador, higit isang dekada ka na bilang isang elected government official sa sangay ng lehislatura, ano ang batas na ginawa mo para proteksiyonan ang sambayanang Filipino laban sa mga buwaya sa gobyerno.
Kapag nagsasalita ka sa ‘rostrum’ ng mga pangako, gusto kong damhin kung nasa puso mo pa ba ang uring iyong pinagmulan. Kung sila ba talaga ang ultimong inspirasyon ng iyong pagpasok sa mundo ng OPM ‘este politika, para iahon ang kanilang kalagayan o ‘yung sabi mo nga ay proteksiyonan sila laban sa katiwalian.
Pero, sad to say, Mr. Presidential wannabe, I felt empty, wala akong maramdaman, hungkag ang iyong mga salita. Binibitiwan mo lang ang mga salita na hindi ko alam kung saan mo kinopya — walang puso at kaluluwa — at parang hiniram mo lang din sa mga kasama mo sa kural ng pamomolitika.
Gaya ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung magkakaroon ka ng mahuhusay na trolls ‘este campaign strategists, malamang magamit mo ang iyong pagiging popular para maging maalwan ang iyong daan papasok sa Malacañang.
Pero kung hindi magbabago ang iyong estilo, uulitin mo lang ang kasaysayan ng mga naunang Malacañang occupants, at sa bandang huli ay sasabihin mo rin, ‘walang utang na loob’ ang mga Filipino.
Tsk tsk tsk…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com