ISA kataoang namatay, habang sugatan ang pitong iba pang miyembro ng LGBTQ community sa pagsabog sa bayan ng Datu Piang, lalawigan ng Maguindanao, nitong Sabado ng hapon, 18 Setyembre.
Kinompirma ng 6th Infantry Division ng Philippine Army na namatay, kamakalawa ng gabi, ang isang biktimang nasa kritikal na kondisyon dahil sa pinaniniwalaang pagpapasabog ng improvised explosive device (IED).
Ayon kay Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th ID, wala pang umaamin ng responsibilidad sa pagpapasabog ngunit tinitingnan na nila ang klase ng IED na ginamit na ‘signature’ umano sa Central Mindanao.
Ikinikonsidera rin ng mga awtoridad ang ilang mga posibleng motibo gaya ng maaaring ito ay diversionary tactic ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Dawlah Islamiya, at maaari rin may kinalaman sa eleksiyon dahil kilala ang Datu Piang bilang election hot spot.
Isa pang tinitingnang motibo ay ang personal na galit laban sa LGBTQ community dahil karamihan sa mga biktima ay miyembro ng LGBTQ at nakatatanggap umano ng mga banta sa kanilang mga buhay bago pa ang insidente.
Samantala, ipinag-utos ni Philippine National Police chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) na masusing imebstigahan ang pagpapasabog.
Ipinag-utos niya sa pulisya sa rehiyon na makipag-ugnayan sa lokal na puwersa ng mga sundalo upang magsagawa ng manhunt operation upang masukol ang mga salarin at maseguro ang kaligtasan sa Maguindanao at sa iba pang lugar na maaaring maganap ang katulad na pangyayari.