SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAGBUNGA rin ang pagtitiyaga at sampung taong paghihintay ni Aubrey Caraan dahil magbibida na siya sa pinakabagong pelikula ng Viva Films, ang Manananggal na Nahahati ang Puso na mapapanood na sa October 10 kasama sina Marco Gallo at ang Beks Batallion.
Kaya naman sobra-sobra ang pasassalamat niya sa Viva dahil binigyan siya ng lead role sa Manananggal na hindi basta role dahil intended sana ang pelikula kina James Reid at Nadine Lustre. Pero mas na-feel ni Direk Darryl Yap na mas bagay sa kanila ang role kaya sa kanila ibinigay ang pelikula.
Galing ng ABS-CBN si Aubrey na 10 taong gulang pa lang nang sumali sa ABS-CBN Pinoy Dream Academy: Little Dreamers pero pagkatapos ng dalawang taon ay lumipat na ng Viva Artist Agency.
Marami ng supporting roles na naibigay kay Aubrey sa Viva TV series na napapanood sa Sari Sari channel at naging miyembro ng girl group na Pop Girls.
Ani Aubrey ang Manananggal… ang big break na ibinigay sa kanya ng Viva. “Ito na po ‘yung time na big break na hinihintay ko. So thankful po ako sa bosses ko sa Viva, of course kay Direk Darryl (Yap) para po ibigay sa akin ang karakter ni Giniper,” sambit niya sa isinagawang virtual media conference.
Tubong Batangas si Aubrey at nagtapos ng Communication Arts sa De La Salle Lipa. Bata pa lang siya ay pangarap na niyang mag-artista.
Hindi itinago ni Aubrey na nainip din siya sa takbo ng kanyang career.
“Naisip ko kung kailan naman po ako bibigyan tapos isang araw tumawag po sila sa akin sinabi nga po na ako na ang magli-lead dito sa ‘Mananggal na Nahahati ang Puso’ sobrang unexpected.
“Sobrang saya ng puso ko talaga dahil ito na ‘yung matagal ko ng hinihintay. And sa singing career naman po, pinagsasabay ko po kasi hindi naman nawala ‘yun dahil before naman ay naging part ako ng girl group tapos nang ma-disband po, nagsolo na ako at nakapag-release na po ako ng song,” ani Aubrey.
Ang Manananggal na Nahahati ang Puso ay mapapanood sa Oktubre 1, sa Vivamax Pilipinas bukod pa sa Hong Kong, Malaysia, Singapore, Japan, Middle East at Europe.