Sunday , December 22 2024

Sakit na dulot ng pesteng langaw sa Bagac

Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata

PREHUWISYONG tunay sa mga residente ng Sitio Kamaliw, Barangay Binukawan sa bayan ng Bagac, lalawigan ng Bataan, ang Empress Poultry Farm, na itinuturong dahilan kung bakit marami na ang nagkakasakit at maging ang kaisa-isang sapang dati-rati’y dinadaluyan ng dalisay na tubig, nalason na rin.

Sa dalawang pahinang liham ng mga residente ng Sitio Kamaliw, hiling nila ang agaran at permanenteng pagpapasara ng dambuhalang poultry farm na umano’y pag-aari ng kaibigan ng alkalde ng nasabing lokalidad.

Ang kanilang reklamo – pesteng langaw mula sa Empress Poultry Farm na halos kulambuan ang buong Sitio Kamaliw.

Anila, bukod sa naglipanang langaw, maging ang sapang dati-rati’y anim na metro ang lawak, mistulang kanal na lamang ngayon dala marahil ng pagtatapon ng dumi ng libo-libong manok na kanilang pinalalaki at kinakatay sa takdang panahon.

Ang siste, naipasara na ito noong taon 2018 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) makaraang makitaan ng sandamakmak na paglabag sa mga umiiral na batas patungkol sa Clean Water Act, National Zonal Code, National Sanitation Code, kakulangan ng mga permiso sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, at iba pang umiiral na reglamento sakop ng kalusugan.

Sa kung anong pamamaraan mayroon ang may-ari ng nasabing poultry farm, nakuha nitong muling makapag-operate matapos ang ilang buwan, matapos humupa ang galit ng mga residente ng nasabing barangay.

Kaya naman ngayon, muling nagdurusa ang hindi bababa sa 2,000 residente ng nasabing barangay.

Batay sa nakalap na dokumento, tumangging dinggin ng lokal na pamahalaan ang kanilang hinaing. Bakit nga naman nila nanaising dinggin ang reklamo laban sa isang negosyanteng lubos na nagpapayaman sa kanilang mga bulsa?

Hindi naka­pagtatakang mayroon nang isang world class na resort ang isang ma­taas na opisyal ng bayan. Man­takin ninyong isang hotel resort ang naipundar niya galing sa may-ari ng Empress Poultry Farm, kapalit ng pagbubulag-bulagan sa prehuwisyong dulot sa mga botanteng nag-upo sa kanya sa puwesto.

Katuwiran ng LGU, walang lagda ang kapi­tan ng ba­rangay Binu­kawan na isa naman palang benepisaryo ng nakalululang biyaya mula sa prehuwisyong farm.

Ito ay sa kabila pa ng rekomendasyon ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) na pabor sa permanent closure ng naturang poultry farm.

Kanilang panawagan kay Environment Secretary Roy Cimatu – isang aksiyong ipinagkait sa kanila ng mga nanunungkulan sa kanilang bayan.

 

BASTOS AT AROGANTENG SEKYU NG URDUJA

KAPAG pumunta ka at dadalaw sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City, tingin yata ng mga sekyu ng Urduja Security Agency na nakatalaga sa nasabing ospital, nasa charity ward ang mga kaanak ng mga pasyente, dahil bastos at arogante.

Kung sigawan ang mga kaanak na dadalaw na dumaraan sa protocol na pi-fill-up ng mga pangalan sa entrance gate, sinisigawan ang mga dadalaw at ayaw magpahiram ng ballpen. Kaya tatawid ka pa ng kalsada para bumili ng ballpen.

Alam kaya ng mga ogag na sekyu na bahagi ng ibinabayad ng mga pamilya sa pribadong Pavillon ay ipinasusuweldo sa kanila? Dapat magalang ang mga sekyu, hindi gaya ng mga guwardiya sa Mental Hospital na mas baliw pa sa mga pasyente sa loob ng Pavillon kung umasta.

Paging sa Urduja Security Agency management!  Kaya pala ayaw magpahiram ng ballpen na dala-dalawa ang naka­suksok sa bulsa ay para matakpan ang kanilang apelyido sakaling ireklamo ang asal hayup na mga sekyu ng NCMH.

Teka… bakit walang lapis o ballpen na dapat para sa pag-fill-up sa papel ng bawat dalaw bilang health protocol? Paano kung pagtawid e, masagasaan ang bibili ng ballpen?

Mga ungas na sekyu!

About Amor Virata

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *