MAHIGIT sa P1.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakompiska ng mga awtoridad ng Quezon City Police District (QCPD) mula sa dalawang drug pushers na naaresto sa isang buy bust operation sa Brgy. Batasan, Quezon City kamakalawa.
Sa ulat kay QCPD Director P/BGen. Antoinio Yarra mula kay P/LtCol. Imelda Reyes, Station Commander ng Quezon City Police District (QCPD) Anonas Police Station 9 (PS-9), ang mga naarestong ay kinilalang sina Oden Dirindigen, 42 anyos, at residente sa A. Bonifacio Ave., Brgy. Barangka, Marikina City; at Jocelyn Salundagit, 48, ng Zone 6, Ampid St., San Mateo, Rizal.
Nadakip ang mga suspek ng pinagsanib na puwersa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng PS-9 at District Drug Enforcement Unit (DDEU) dakong 4:00 pm sa isang buy bust operation na isinagawa sa Kalayaan B, Commonwealth Avenue, Brgy. Batasan, Quezon City, sa koordinasyon sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office National Capital Region (PDEA RO-NCR).
Isang undercover cop ang umaktong poseur buyer at nang makabili ng P190,000 halaga ng hinihinalang shabu ay agad nang inaresto ang mga suspek.
Nakompiska mula sa mga suspek ang 200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,360,000, buy bust money, at isang cellular phone na ginamit sa drug transactions.
Ang mga suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (ALMAR DANGUILAN)