PATAY ang isang bagitong pulis makaraang pumutok ang pinaglalaruang baril ng kapwa pulis na kanyang kainuman sa Barangay Commonwealth sa Quezon City nitong linggo ng madaling araw.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) director BGen. Antonio Yarra, kinilala ang biktima na si P/Cpl. Higinio Wayan, 31 anyos, nakatalaga sa Kamuning Police Station 10.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa 2nd Street, Bitoon Circle pasado 3:00 ng madaling araw.
Una rito, kasama ng biktimang si Wayan ang dalawa pang pulis na kanyang kaibigan na sina Cpl. Sherwin Rebot at Cpl. Harold Mendoza at isa pang sibilyan na si Lorenzo Lappay habang nag-iinuman ang sa isang bahay sa nasabing lugar.
Kuwento ni Lappay kay P/SSgt. Rolando Laddaran, imbestigador ng QCPD Station 6, nagtungo sa comfort room si Rebot at iniwanan sa ibabaw ng mesa ang Glock caliber 40 na kanyang service firearm.
Ilang sandali pa ng kinuha ni Wayan ang baril na itinutok sa kanyang dibdib at ipinutok.
Pero napag-alaman, bago ang insidente ay nag-usap-usap at nagkasundo ang mga pulis na mag-unload ng kanilang magazine sa kanilang mga baril dahil mag-iinuman sila.
Maaari umanong inakala ng biktima na walang bala ang baril ni Rebot kaya ito dinampot at itinutok sa dibdib.
Sa pag-akalanag walang lamang bala ang baril, kinalabit ng biktima ang gatilyo at saka pumutok.
Palaisipan sa mga imbestigador kung bakit baril ni Rebot ang napagdiskitahan ni Wayan para paglaruan samantala nakasukbit pa sa baywang ang kanyang service firearm na isang .9mm beretta.
Pansamantalang ikinostudiya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang dalawang pulis at si Lappay na itinuturing na “persons of interest” habang sinisiyasat ang mga pangyayari. (ALMAR DANGUILAN)