‘Walang pilian,’ na naman?
ANG utos ni Pangulong Duterte na huwag isapubliko ang brand ng bakuna na gagamitin sa mga inoculation centers ang marahil ay pinakamalaking kasiraan sa libreng pagbabakuna ng gobyerno laban sa CoVid-19. Dinaig nito ang “walang pilian” na pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., noong Enero, na sumasalamin sa grabeng kawalang pasintabi sa karapatan ng bawat Filipino na pumili.
May sagot ang “Aling Onding,” ang labahan sa aming lugar, sa iginigiit na ito ng Palasyo, sa punto niyang: “Kung sabong panlaba nga, namimili ka ng gagamitin mo sa damit mo, ‘yun pa kayang bakunang ituturok sa katawan mo?” Gamit ang katuwirang ito, tapos na ang debate para sa mga Filipino.
* * *
Bigong maunawaan ng gobyerno na bago pa nalikha ang bakuna laban sa CoVid-19, karamihan sa mga Filipino ay nagdadalawang-isip nang magpaturok ng bakuna. Hindi natin pasasalamatan ang delikadong paggamit ng Dengvaxia ng nakalipas na administrasyon na nagdulot sa ating mga anak ng hindi birong panganib.
Ang problema, masyadong pinolitika ng administrasyong Duterte ang isyung ito para siraan ang mga Liberal hanggang tuluyang nawalan ng tiwala ang publiko sa bakuna.
Ngayong ang pagbabakuna laban sa CoVid-19 ang tanging paraan para magkaroon ng herd immunity at ito ang nag-iisang pag-asa ng bawat bansa upang maalpasan ang matinding pandemyang ito, kinailangan ng gobyerno na ibalik ang kompiyansa ng publiko sa pagtanggap sa bagong-gawang bakuna na inaprobahan lamang para sa “emergency use” at ang bisa at kaligtasan ay sinusuri pa rin sa mga pandaigdigang pag-aaral.
* * *
Kaya kung ang layunin ngayon ay kombinsihin ang publiko na magpabakuna, mali ang paraan ng gobyerno na maging masekreto sa kanila. Inaasahan nilang sa mga huling sandali ay magbabago ng isip ang mga mas gustong maturukan ng bakunang Pfizer ng Amerika kaysa Sinovac ng China para hindi mawalang-saysay ang matagal nilang pagpila sa gitna ng matinding sikat ng araw?
Alam kong hindi ‘yun mangyayari sa akin. Pero kung iyon ang layunin ng polisiyang “huwag ianunsiyo ang brand ng bakuna” sa mga inoculation centers – aba, ang lupit naman n’yan! Sobrang hindi makataong pagtrato ito para sa matatanda, sa mga may kapansanan, at sa mga may sakit na lakas-loob na pumila nang matagal kahit pa ilantad ang sarili sa panganib na mahawahan ng sakit sa labas ng kanilang mga bahay.
* * *
Bago puwersahin ang mga “pihikang mamamayan” na tanggapin ang mas available brand na Sinovac, dapat sigurong tanungin ng Pangulo ang kanyang sarili kung bakit inabot siya nang ilang linggo bago makapagdesisyon kung anong brand ng bakuna ang ituturok sa kanya. At bakit pinili niya ang Sinopharm, isang brand na hindi inaprobahan ng Food and Drug Administration?
Sa ginawa niyang ito, si Ginoong Duterte ay isang nabubuhay at naghuhumiyaw na tagasuporta ng pamimili ng bakuna kontra CoVid-19. Bakit ‘pag tayo hindi puwede?
Pero hindi lamang naman ito simpleng paggigiit ng karapatang pansarili. Tinututukan ng matatalinong Pinoy ang mga balita tungkol sa bakuna at alam na alam nilang hindi pare-pareho ang pagkakagawa sa mga ito. Kung mayroon mang mabuting naidulot ang mga Laging Handa briefing ng gobyerno, iyon ay malayang nakapag-uusisa ang mga mamamahayag tungkol sa mga benepisyo at panganib ng bawat brand ng bakuna, paano ang mga ito maikokompara sa isa’t isa, at iulat sa publiko ang impormasyong ito.
Kaya, Ginoong Pangulo, silang mga ‘pihikan’ ang mga aktuwal na sumusuporta sa programa mo sa pagbabakuna at nauunawaang responsibilidad nila iyon sa kanilang komunidad. Nagkataon lang na inalam nila ang lahat ng impormasyong mahalaga para maprotektahan ang sarili nilang kapakanan. Kung paglilihiman sila o sasabihan silang huwag mamihikan, tiyak na mababawasan ang mga taong pabor sa pagbabakuna. Kahit tanga ay maiintindihan ito.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.