Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Mahigit 500 benipisaryo nakatanggap ng P10K ayuda ni Cayetano at mga kaalyado

MAG-AAPAT na buwan na mula nang ihain sa kamara ang 10K Ayuda Bill ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at ng kanyang mga kasamang kongresista sa Back to Service (BTS) pero hanggang ngayon bingi at bulag pa rin ang Kamara na aksiyonan ang naturang panukala dahil hindi pa rin ito tinatalakay hanggang ngayon.

Bagkus, ipinilit ng mga kongresista ang P1K ayuda sa bawat Filipino sa ilalim ng Bayanihan 3 na aprobado na sa committee level.

Gayonman, hindi rin itinigil ni Cayetano at ng kanyang grupo ang pamimigay ng P10K ayuda sa ating mga kababayan upang makaahon mula sa krisis na dulot ng pandemya. Aba’y alam nyo ba na umaabot na pala sa mahigit 500 benipisaryo ang nakatanggap ng P10K ayuda mula kay Cayetano at sa kanyang grupo.’

Nitong Biyernes ay nakapamigay muli sina Cayetano ng P10K ayuda sa 300 residente ng lalawigan ng Laguna. Sinaksihan mismo nina Cong. Dan Fernandez, Sol Aragones, at mga alkalde ng iba’t ibang bayan ng Laguna ang pamimigay ng P10K ayuda.

Bukod pa ito sa 200 katao na nakatanggap ng P10K ayuda kasabay ng paglulunsad ng “Sampung Libong Pag-asa” noong nakaraang Araw ng Paggawa. Aabot na rin sa 38 P10K ayuda ang naipamigay nina Cayetano bago ang 1 Mayo 2021.

Ang sabi ng dating speaker, hindi dole out ang ginagawa nila dahil hindi ito pantawid gutom lamang ng ating mga kababayan kundi pang-ahon mula sa kanilang sitwasyon ng paghihirap dahil sa CoVid-19. Ano nga naman ang mararating ng P1K ayuda na ibibigay sa bawat Pinoy?

Siyempre, mas mainam ‘yung P10K ayuda dahil maaaring makapag-umpisa ng kabuhayan o maliit na negosyo dahil kahit paano’y mayroon kang maliit na puhunan.

Halimbawa na rito ang isang baker o magtitinapay ng Caloocan. Dati, 300 pesos lang kada araw ang kanyang kinikita dahil patingi-tingi ang kanyang binibiling harina at asukal para sa  kanyang pagluluto. Kaagad siyang bumili ng sako-sakong harina at asukal nang matanggap niya ang P10K ayuda mula kay Cayetano at sa kanyang mga kaalyado.

Ngayon, umaabot na sa P1,200 ang kinikita nya bawat araw. O, di ba, nakatutuwang isipin na may mga buhay na bumabangon dahil sa P10K ayuda.

Tama naman ng sinasabi ni Cayetano na hindi “beneficial at practical’’ kung P1k lang na ayuda ang ibibigay sa bawat Filipino.

Alangan namang papilahin ang mga 6-anyos na bata at mga 90-anyos matanda para lang mapakuha ng P1K ayuda. E kung kinatawan lang naman ang kukuha ng ayuda dapat sana P10K na ang ipamigay kasi ‘di naman limos ang kailangan ngayon ng mga tao.

Kailangan nila ng malaki-laking halaga para man lang makapag-umpisa at  makapagtinda ng gulay sa mga kapitbahay, magsimula ng isang maliit na sari-sari store at iba pang kabuhayan na swak sa kanilang komunidad.

Kaya nga nananawagan si Cayetano sa kanyang mga kasamang kongresista na suportahan ang P10K Ayuda Bill para maisunod agad ang iba pang stimulus packages para sa agrikultutra, edukasyon, turismo at iba pa.

Maging ang mga residente ay dapat na rin kumilos at bulabugin ang kanilang mga kongresista ng mga panawagan para suportahan ang P10K Ayuda Bill upang marami pang pamilyang Filipino ang makinabang dito.

Asahan na lang din natin na mapukaw ang loob ng iba pang nakagiginhawa sa buhay na magbigay ng kahit na kaunting tulong sa ating mga kababayan. Wala namang ibang aagapay sa atin sa panahon ng krisis kundi tayo-tayo din lang. Kaya nga “Sampung Libong Pag-asa” ang tawag sa programang ito dahil ang mga donasyon para itaguyod ito ay hindi lamang galing sa mga kongresista kundi pati na rin sa pribadong indibidwal upang mabigyan ng pag-asang makaahon ang mga nalugmok ng pandemya.

Ang balita natin, may dagdag na 300 benepisaryo ang makatatanggap ng P10K ayuda sa darating na Biyernes. Ito ay sa isang probinsiya na kapitbahay ng Metro Manila. Abangan.

 

OPERATOR
MAY PANANAGUTAN
SA PASAWAY
NA DRIVER

Talamak ang mga pasaway na driver na nagkalat sa mga lansangan.

Sa linaw ng traffic signs sa kalsada ay hindi natin maintindihan kung bakit tila minsan ay sinasadya na ‘wag itong pansinin o talagang ubod ng kakapal na lang din ang iba na hindi sila mahuhuli kaya harap-harapan na lang minsan ang pagsuway sa batas trapiko.

Napakaimportanteng tandaan sa pagbiyahe sa lansangan, buhay ng mamamayan ang nakasalalay. Kaya nga, malinaw ang batas tungkol sa mga pampublikong sasakyan o tinatawag na ‘common carriers.’

Mismong ang Civil Code ng Filipinas ang nagtakda kung anong klaseng pag-iingat ang dapat obserbahan ng mga driver ng pampublikong sasakyan sa kanilang pagmamaneho at ito ay extraordinary diligence o pinakamataas na antas ng pag-iingat.

Ito ay itinakda upang isaalang-alang ang kaligtasan hindi lang ng mga pasahero kundi pati na rin ng pedestrians, mga tumatawid sa kalsada at mga kapwa motorista.  

Ang Korte Suprema ay naghayag din sa kasong Isaac vs. A. L. Ammen Transportation Co., Inc. (G.R. No. L-9671) na ang mga pampublikong sasakyan ay nakabigkis sa obligasyon na ibiyahe nang ligtas ang mga pasahero sa pinakamataas na antas ng pag-iingat ng isang tao gamit ang matalas na panunuri sa lahat ng sitwasyon at pangyayari (Art. 1755, New Civil Code).

Hindi magtitino ang mga pasaway na driver kung hindi ito babantayan at tututukan. Dito sa Maynila, gumawa ng sistema ang lokal na pamahalaan para masupil ang mga ganoong klase ng driver. Ito ay tinatawag na NCAP o Non-Contact Apprehension Program. Binubuo ito ng 36 high-tech cameras na nagtatrabaho 24/7 at nakatalaga sa mga lugar kung saan kadalasan ay may mabigat na trapiko.

Sa loob ng halos mahigit sa isang buwan ng implementasyon ng NCAP ay nakahuli ng halos 15,000 traffic violators kabilang ang iba’t ibang paglabag sa batas trapiko tulad ng obstruction o pagharang sa pedestrian lane at pagbalewala sa lane markings at sa traffic lights.

Huli ang mga lumalabag na driver at ang kanilang mga operator. Siyempre, natural na aalma ang mga operator dahil hindi naman sila ang nasa manibela e bakit sila ang pagmumultahin?

Nasasaad sa Civil Code ang responsibilidad ng mga operator o mga may-ari ng common carriers sa kanilang pagpili sa kanilang empleyado. Ayon dito, kailangan maging mapanuri ang mga employer sa kanilang mga tinatanggap na empleyado, dapat sila ay walang police record, may good moral character, at lisensiyado dahil kung hindi, pananagutin pa rin ang operator-employer sa mga paglabag sa batas ng kanyang driver.

Sa puntong ito, malinaw na may responsibilidad ang employer sa mga pagkilos ng kanyang empleyado habang nagtatrabaho. Itong prinsipyo ng responsibilidad ng operator-employer ay kinatigan ng ating Korte Suprema sa napakahabang listahan ng mga kaso kung saan ang operator ay pinatawan ng parusang multa para sa mga nagawang paglabag sa batas at pinsalang naidulot ng kanilang mga driver dahil sa walang ingat na pagmamaneho (Vargas vs. Langkay; Tamayo vs. Aquino; Erezo vs. Jepte).

Kaya konting konsiderasyon lang sana mga kapatid na driver. Apektado din ang mga motorsiklo at bisikleta sa mga kawalan ng disiplina ng isang nagmamaneho. Isang halimbawa na riyan, minsan babaybayin ng mga pasaway na jeepney at taxi ang mga itinalagang bike lanes sa kanilang paghahanap ng mga pasahero. Kaya nga may bike lanes e para sa bike. Ibig sabihin ‘wag n’yong harangan!

Kapag may obstruction sa mga lanes sa kalsada, ang mga kasunod na sasakyan ay lilipat ng lane na magiging sanhi naman ng antala sa lane na kanilang lilipatan. Aba, e di damay-damay na.

Mga operator, pakiusap, kumuha kayo ng matitinong driver, ayusin ang inyong sistema at tumutok sa pamamaraan ng pagmamaneho ng inyong mga driver. Maging responsable tayo sa ating pagnenegosyo sa kalsada dahil buhay ng mamamayan ang nakasalalay.

‘Wag tayong maging pasaway dahil mahirap ibalik ang buhay na mawawala ‘pag naging pabaya sa kalsada.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *