Sunday , December 22 2024

PH puwedeng magsalba vs doomsday scenario

BILANG isa sa pinakamahuhusay sa larangan ng estratehiya sa nakalipas na anim na dekada, nakikinita ni dating US Secretary of State Henry Kissinger ang isang doomsday scenario sakaling lumala ang tensiyon sa pagitan ng Amerika at China. Hindi kinakailangan ng minimum IQ ng mga Filipino para maintindihang napagigitna tayo sa panganib na ito.
 
Nitong weekend, nagbabala sa mundo ang
97-anyos na dating national security adviser na hindi nito kakayanin ang matinding hidwaan sa pagitan ng dalawang pinakamakapangyarihang bansa. Masyado raw marami ang malalagay sa kapahamakan, tinukoy ang hindi matatawarang lakas ng dalawang bansa sa larangan ng ekonomiya, teknolohiya, at sandatahan – kabilang ang mga nuclear arsenal na nasa pinakamoderno nitong estado sa ngayon.
 
Sakaling magbanggaan, ang bawat bansa ay maaapektohan direkta man o hindi – lalo ang mga Filipino, na tinaguriang “citizens of the world.”
 
Sinabi ni Kissinger, ang mga malalagay sa alanganin ay hindi man lang maikokompara sa Cold War noon kung saan ang pahusayan sa nukleyar na armas ay nagbunsod ng matinding kontrahan sa pagitan ng Amerika at ng dating Soviet Union.
 
Sa kasalukuyan, nadagdag sa usaping nukleyar ang high-tech issue ng artificial intelligence. “Ang kakayahan nito ay batay sa katotohanang ang tao ay naging katuwang ng mga makina at ang mga makina ay maaari nang magkaroon ng sarili nitong pagpapasya,” ani Kissinger.
 
Argumento niya: “Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng tao, ang sangkatauhan ay mayroon nang kapasidad na tapusin ang sarili nito sa limitadong panahon.”
 
* * *
 
Para sa Filipinas – bilang kaalyado ng Amerika at kaibigan ng China – ang West Philippine Sea ay isang malinaw na usaping hindi maaaring isantabi, hindi pupuwedeng ‘di seryosohin, at hindi uubrang harapin nang may karuwagan.
 
Ang isyung ito na pag-aangkin ng China ng mga teritoryo sa South China Sea ay kailangan nang maresolba, kung ayaw nating magsilbi rin itong mitsa ng bomba na naghihintay sumabog at pumatid sa anumang tali na nag-uugnay sa kapayapaan sa pagitan ng Beijing at Washington – kahit sa panig lang nating ito sa mundo.
 
Hindi ako si Kissinger, at marahil sobra naman ang aking naging konklusyon, pero sasabihin ko pa rin ito. Hindi pupuwedeng solohin ng ating Pangulo ang pagpapasya batay sa sarili niyang pang-unawa. Bukod sa pakikinig sa katwiran niyong mga nasa loob at labas ng kanyang administrasyon, dapat himukin ni Duterte ang karunungan ng mga pinuno ng ibang mga bansa na siguradong maaapektohan din sa namumuong alitan sa pagitan ng Amerika at China.
 
Kahit sa panig ng Amerika, nahihirapan ito sa hamong makipag-ugnayan sa China. Ayon kay Kissinger, kakailanganin ng two-pronged US policy para sa Beijing – iyon ang manindigan sa mga prinsipyo ng Amerika upang matamo ang respeto ng China; at panatilihin ang tuloy-tuloy na dialogo hanggang masumpungan ang mga larangan kung saan maaari silang magkompromiso at magtulungan.
 
Sa parehong paraan, dapat maging matatag ang gagawing pagresolba ng ating bansa sa pagbibigay-proteksiyon sa ating mga teritoryo sa West Philippine Sea laban sa pagsalakay ng mga Chinese maritime militia vessels. Kung hindi, hindi natin makukuha ang respeto ng China o maging karapat-dapat tayo sa suportang handang ipagkaloob ng ibang mga bansa sa atin.
 
Kung nagbabala si Kissinger na magreresulta sa katapusan ng mundo ang banggaang Amerika-China, ang ating kontrobersiyal na problema sa WPS kung gayon ay isang usaping makaaapekto sa lahat ng bansa. Responsibilidad nating idulog sa mundo ang isyung ito na nagbabantang makasira sa ugnayan ng Amerika at China upang maresolba ito multilaterally.
 
Sa pamamagitan nito, maaari pa nating maisalba ang mundo mula sa doomsday scenario. Pero bago ang lahat, bilang isang bansa ay mahalagang kombinsihin natin ang ating Pangulo na lumantad mula sa kanyang tahimik na pakikiramdam.
 
* * *
 
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
 
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *