Korupsiyon
AABOT sa 20 porsiyento ng taunang pambansang budget ang nawawala dahil sa korupsiyon, ayon sa mga pag-aaral. Kung ang taunang budget ay P4.5 trilyon, nasa P80 bilyon ang nawawala dahil sa korupsiyon. Tinatawag na korupsiyon ang paggamit ng puwesto sa gobyerno upang magkamal ng salapi para sa pansariling interes. Isa ito sa malubhang sakit ng lipunang Filipino.
Kung si Sonny Trillanes ang masusunod, nais niyang gamitin ang teknolohiyang digital sa operasyon ng gobyerno. Nais niyang magkaroon ng digitization, ang proseso kung saan ang mga datos at operasyon sa mga pangunahing sangay ng gobyerno na kasalukuyang nasa sistemang analog ay inililipat sa sistema at teknolohiyang digital. Mas malaking kaginhawaan kapag nagawa ang pagsasalin.
Kapag natapos ang digitization, sumusunod ang digitalization, ang sistema kung saan ginagamit sa wakas sa operasyon ng gobyerno ang mga datos sa nailipat sa anyong digitized. Nandiyan sa digitalization ang mga desktop computer at mga gadget, ang Internet, mobile devices, software technology at application at iba pang uri ng digital technology sa pagpapatakbo ng pamahalaan. Tumatakbo sa ilalim ng sistema at teknolohiyang digital ang mauunlad na bansa.
Sinabi ni Trillanes, mabisa ang digitalization sapagkat maaaring tumakbo ang gobyerno kahit hindi nagkikita ang mga taong nangangailangan ng serbisyo ng gobyerno. Maaaring gamitin ang digitalization sa mga opisinang kilala sa korupsiyon tulad ng BIR, BoC, DPWH, SSS, GSIS, at kahit PhilHealth. Nagtapos si Trillanes ng pangatlong taon ng kursong electronics sa De La Salle University bago pumasok sa Philippine Military Academy (PMA) at naging sundalo. Naiintindihan niya ang teknolohiya sa digitalization. Hindi bago sa kanya ang sistema at teknolohiya.
Humarap kamakailan si Sonny Trillanes sa mahigit 200 alumni ng Ateneo University sa isang pulong sa pamamagitan ng teknolohiyang Zoom, FB Live, at Messenger upang ipaliwanag ang kanyang mga pananaw sa maraming usapin ng bayan. Tinalakay ni Trillanes ang isyu ng ilegal na droga, pandemya, pagkamkam ng China sa teritoryo at likas yaman ng Filipinas sa West Philippine Sea, RevGov at federalismo, at kapalpakan ng gobyerno ni Rodrigo Duterte.
Umabot ng tatlong oras ang talakayan at magkakasama nilang ginagalugad ang mga tratadong iniurong ni Duterte dahil sa matinding batikos na inabot niya sa international community tungkol sa usapin ng karapatang pantao (human rights). Hinarap ni Sonny Trillanes ang mga batikos sa kanya tulad ng nangyari noong 2003 sa Oakwood mutiny at 2007 martsa sa Manila Peninsula Hotel. Ipinaliwanag niya ang kanyang panig kung bakit nangyari ang mga iyon.
Sa usapin ng korupsiyon, pinaboran ni Sonny Trillanes ang paggamit ng teknolohiyang digital sa mga transaksiyon sa gobyerno. Sa kanyang pananaw at obserbasyon, mas matining ang korupsiyon kapag nagkikita-kita ang mga taong gobyerno (o lingkod bayan) at mga pribadong mamamayan. Nais niyang kahit ang mga filing at paghingi ng serbisyo ay batay sa sistemang online.
Kailangan bigyan ng diin ng susunod na gobyerno ang good governance, o maayos na pamamahala, ani Trillanes. Kasama sa kanyang mga rekomendasyon upang bakahin ang korupsiyon ang pagtatatag ng isang programa upang alisin ang mga sindikato sa mga ahensiya ng gobyerno na kumokolekta ng buwis at taripa mula sa mga mamamayan. Maaaring ihalintulad ang programang itinayo sa Hong Kong, Taiwan, at Singapore, mga bansang umuunlad dahil naalis nila ang korupsiyon.
Kailangan itayo ang isang sangay na nagsisiyasat sa mga korupsiyon sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, aniya. Kailangan alisin ang Bank Secrecy Law sa mga pangunahing opisyal ng gobyerno upang malaman kung nagpapayaman sila sa puwesto. Katig siya sa mga mungkahi na itaas ang suweldo ng mga lingkod bayan upang hindi sila matukso na magsamantala sa kanilang kapangyarihan.
Pinapaboran ni Sonny Trillanes ang mga pagbabago sa Office of the Ombudsman at Commission Audit, ang dalawang sangay ng gobyerno na ayon sa Saligang Batas ay pawang nakamatyag sa korupsiyon sa gobyerno. Kailangan palakasin ang Office of the Ombudsman at CoA sa hinaharap, aniya.
***
KIMI ba ang mga Filipino tungkol kay Duterte lalo sa kanyang pang-aabuso sa poder? Basahin ang transcript ng tanungan sa pagharap ni Sonny Trillanes sa mga taga-Ateneo:
TANONG: What is it about in our present situation that allows the president to do whatever he wants, to do without anyone able to call him out? How would you and Leni correct whatever is in the system is allowing absolute power?
TRILLANES: The answer to that question is fear. The [Oplan Tokhang] policy of Duterte is not really to address the illegal drug problem but to instill fear in the hearts of the people in general, the different sectors [like] the Church, the civil society, the media, and the national politicians. When I was in the Senate, I saw for myself veteran senators trembling in fear because of Mr. Duterte probably has his own skeleton. But then, that’s the reason the Senate abdicated its role to check as a guardian of democracy. It has its moments. But I remember during the Arroyo administration, regardless whether Arroyo was flexing her muscles o in practically different areas of government, but the Senate stood pat on its role as a fiscalizer. But [that’s] not anymore. In the media, Duterte was able to shake down the [Philippine Daily] Inquirer at first, then [rappler.com]. The cases filed against Maria Ressa had chilling effects. They were deliberate. So that is the reason why nobody called Duterte out because they are fearful. But things are changing. Some individuals and sectors are able to find their voices and have started out for Mr. Duterte.
***
HINDI ko na babanggitan ang kanyang pangalan at baka sumikat lang. Pero mukhang maluwag ang turnilyo sa ulo ng dating executive vice-president ng University of the Philippines sa kanyang maanghang at wala sa lugar na pahayag kontra sa matandang lalaki na namatay sa pilahan sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin. Sa totoo, hindi siya kusang loob na nagbitiw sa kanyang tungkulin sa UP. Pinagsabihan siya dahil pati ang UP ay nadadala sa kagaguhan niya.
Hindi totoo na ibinagsak siya ng troll army. Mga totoong tao ang tumira sa kanya. Sila ang mga taong may matinding paniniwala na isa siyang malaking kahihiyan sa pamantasan. Mga totoong tao ang nagpahayag ng kanilang damdamin laban sa kanyang wala sa lugar na pahayag. Kilala namin ang marami sa kanila. Nasilip ang kanyang sobrang kabugukan sa usapin. Maigi at wala na siya sa UP. Teka nga pala, siya mismo ang umamin sa kanyang sulat ng pagbibitiw na nagkamali siya sa bagsak ng pananalita. Ngayon, isinisisi ang lahat sa troll army?
Sobrang kagaguhan…
BALARAW
ni Ba Ipe