Sunday , December 22 2024

China umatras sa WPS

KAKAUNTI lang, kung mayroon man, ang impormasyong naka­rating sa mga lokal na mamamahayag tungkol sa kinahinatnan ng ma­init na usapin sa seguri­dad na pangkaragatan at pagtatalo sa kontrol sa West Philippine Sea nitong weekend.

Nabasa ko lamang ang mga artikulo ng Forbes at Esquire kung paano ang naging pagtugon ng militar ng Filipinas at ng pinakamakapangyarihan nitong tagapagtanggol, ang Amerika, ay nagawang paatrasin at tuluyang itaboy ang grupo ng mga barkong Chinese mula sa Julian Felipe Reef matapos ang anim na linggong pananatili roon.

Para maging malinaw, isinugo ng Philippine Navy sa lugar ang apat sa mga pinakamodernong barkong pandigma nito, kabilang ang dalawang bagong missile-guided frigates – ang “BRP Jose Rizal” at “BRP Antonio Luna.” Ganito tinugunan ng ating sandatahan ang palusot ng Beijing na ang mga militia vessels nito, na minamandohan ng mga dating tauhan ng People’s Liberation Army, ay pawang bangkang pangisda lamang daw na napilitang mag-estasyon sa ating karagatan dahil sa masamang panahon.

Sa malas ng China, ‘masamang balita’ ang hatid ng karagatan kapalit ng ‘masamang panahon.’ Pero ‘magandang balita’ ito para sa Filipinas dahil dalawang naval war fleets ng Amerika ang sumaklolo sa ating karagatan – ang isa ay pinangunahan ng aircraft carrier na USS Theodore Roosevelt at ang isa ay ang USS Makin Island. Sa paglalarawan ng mga eksperto sa seguridad na pangkaragatan, ang dalawa ay kapwa maangas na assault ships na may bitbit na attack aircraft o dapat pangilagang strike-fighters, na naeeskortan lang naman ng submarines, destroyers, at cruisers.

***

Gayonman, hanggang sa isinusulat ito ay hindi kinokompirma ng magkabilang panig ang impormasyong ito. Tanging mga eksperto ang nagbibigay ng kanilang mga haka-haka batay sa mga opisyal na pahayag na pareho ng mga naunang mensaheng diplomatiko – na ang teritoryong ito ay sa atin, na ang pananakop na iyon ay ilegal sa pandaigdigang batayan, at ang anumang pagkilos na may kinalaman sa digmaan sa panig ng Filipinas ay tiyak na maghuhudyat sa pagpapairal ng mutual defense treaty natin sa Amerika.

Bago ang pagsugod sa lugar ng mga puwersang pangkaragatan, nagbingi-bingihan si President Xi Jinping sa lahat ng ito. Nagpatong-patong lang ang mga protestang diplomatiko na inihain ng Filipinas laban sa China, na tinapatan lang ng huli ng mga katawa-tawang pagpapalusot mula sa embahada nito sa Maynila.

Ang isang bagay na malinaw ay kinimkim ng mga Filipino ang kanilang nararamdaman tungkol sa pagsalakay ng mahigit 200 Chinese maritime militia vessels sa Julian Felipe Reef (Whitsun Reef), na pagmamay-ari natin, simula pa noong unang bahagi ng Marso. Unti-unti nang nasagad ang pasensiya ng bayan sa nakalipas na anim na linggo.

Maging ang matalik na kaibigan ng gobyerno ng China sa ating bansa, iyon bang nakatira sa Malacañang, ay nagmistulang nagkibit-balikat lang sa usapin, pero nagngingitngit na marahil ang pakiramdam. Noong nakalipas na linggo, nagbigay na ng pahiwatig ang kanyang tagapagsalita, si Harry Roque, nang sabihin nitong tahimik na nireresolba ni Pangulong Duterte ang isyu.

Bagamat totoong nagmistulang tahimik lang ang Palasyo, kompara sa hayagang pagbabanta ng mga kalihim natin sa Depensa at Usaping Panlabas laban sa China, walang dudang ang pinag-isang pagkilos ng Filipinas at Amerika upang protektahan ang West Philippine Sea ay isang pinag-isipang hakbangin na resulta ng balikatang pagtugon ng Washington at ng Malacañang.

***

Batay sa sinabi ng mga ekspertong sinipi ng Forbes, nasindak daw ang China. Pero kung pakaiisipin, naniniwala ang kolum na ito na higit na karapat-dapat purihin ang Filipinas sa pinagplanohan at kalkuladong pagtugon nito bago pa ang unang araw ng pagtatangka ng China na kubkubin ang ating Exclusive Economic Zone.

Ang pagkakamali ng Beijing na okupahin ang 27 maritime geographical features para tirikan ng mga magsisilbing military outposts nito sa South China at East China Seas ang nagbuking sa pasimple at nakababahalang taktika nito ng pananakop. Tulad ng sinabi ko noon, hindi na bago sa atin ang mga ganitong paunti-unting pananalakay ng China.

Nasaksihan na natin kung paano nilang kinubkob ang ating Panatag Shoal (Scarborough Shoal) at binakuran ang Sandy Cay, ang sandbar na malapit sa ating Pag-asa Island. Sabi nga ng isang kawikaan, “lokohin mo akong minsan, kahiya-hiya ka; makaulit ka pa ng panloloko sa atin, ako na ang kahiya-hiya.” Wala namang binanggit tungkol sa ikatlong beses ng panlalamang.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *