CABUGAO, ILOCOS SUR — Nahintakutan ang mga residente sa isang barangay sa bayan ng Cabugao sa lalawigan ng Ilocos Sur sa hindi inaasahang pagsulpot ng naglalakihang uod sa mababaw na bahagi ng dagat sa tabi ng dalampasigan ng nasabing bayan.
Sa isang video footage, makikita ang asul at kulay lupang mga uod sa kalapit na lugar habang nagsisipaglaro ang mga kabataan at mga residente ng Cabugao.
Ang 7-anyos na batang si Jomari, nagtatampisaw noon sa dagat, ang nakapansin sa mga naglitawang uod dakong 7:00 pm.
Agad tinawag ng bata ang kanyang mga magulang at kaanak para sabihin ang kanyang nadiskubre kaya lumapit sa kanya ang tiyuhing si Carl Rebogio.
Ayon kay Rebogio, nakompirma niya ngang mga uod ang nakita ng kanyang pamangkin at nang obserbahan ay napansing unti-unting dumarami habang inaanod sa dalampasigan ng sunod-sunod na alon.
“Hindi namin alam kung saan galing pero parang inanod sila sa beach,” salaysay ng lalaki.
“Nakita ito ng mga bata habang naglalaro kaya tinawag kami para tingnan. First time nangyari ito sa aming lugar,” dagdag ni Rebogio.
Sinasabing may sukat na sampung pulgada at mayroon pang maraming paa sa ilang bahagi ng katawan na parang alupihan.
Ayon kay Jomari, mabilis na naglaho ang nga uod makalipas ang tatlong oras at hindi niya alam kung saan pumunta.
“Tiningnan ulit dakong 10:00 pm pero wala na lahat ang mga uod. Hindi naman marumi rito kaya maaaring hindi iyon ang dahilan,” sabi ng bata.
Sa pangamba ng mga mangingisda sa Cabugao na makaapekto ito sa kanilang kabuhayan, humingi ng payo mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFaR) ang barangay kagawad sa lugar na si Nereo Daproza.
Aniya, “nakakuha ng ilang mga uod iyong mga residente at ibinigay ang mga sample sa BFaR para suriin at malaman kung ano ito.”
Wala pang inilabas na resulta ang BFAR sa pagsusuri sa mga uod ngunit nagbabala ang ahensiya na iwasang hulihin o hawakan dahil baka nakalalason o makasama sa kalusugan.
(TRACY CABRERA)