MASUNURING kalihim si Carlito Galvez, Jr.
Bilang vaccine czar, nakausap ni Galvez ang mga manager ng mga kompanya ng bakuna upang makabili ng ibibigay sa sambayanang Filipino. Ngunit mabigat ang hinihingi ng mga kompanya ng bakuna sa gobyerno ni Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ni Galvez kay Duterte sa harap ng telebisyon noong Lunes ng gabi na humihingi ang mga kompanya ng dalawang probisyon sa kanilang kontrata: una, total immunity from suit; at pangalawa, indemnity. Nais ng mga kompanya na hindi sila ihahabla ng gobyerno kung sakaling hindi maganda ang naging epekto ng kanila bakuna sa mga mamamayan, ani Galvez. Walang demandahan, ito ng hinihingi ng mga kompanya sa unang kondisyon, aniya.
Sa isyu ng indemnity, nais ng mga kompanya na ang gobyerno ang magbabayad kung pumalpak ang bakuna sa mga mamamayan. Hindi mananagot ang mga kompanya sa mga pinsala kung mayroon man, aniya. Hindi sila magbabayad ng anoman, ani Galvez. Problema ng gobyerno iyan, aniya.
Dahil sa matinding batikos na inaabot ni Duterte sa sambayanan – kaliwa at kanan, mainit ang kanyang ulo noong gabi na iyon. Magkaparehong tinanggihan nang harapan ng sumpunging lider sa malaon at madali ang nais ng mga kompanya ng bakuna. Mukhang hindi na matutuloy ang mga kontrata sa pagbili ng bakuna sa mga kompanya na hindi pinangalanan ni Galvez.
Kung kami ang mga kompanyang gumagawa ng bakuna, hihilingin namin ang dalawang probisyon sa sales contract. Hindi kami papayag na maulit ang nangyari sa Sanofi, ang kompanyang Pranses na gumagawa ng Dengvaxia, ang bakunang kontra dengue fever.
Matatandaan na inakusahan ng isang pangkat na nasa pangunguna ni Percida Acosta ang Sanofi sa mga gawa-gawa at pinagtagpi-tagping sakdal laban sa mga opisyal nito ng Sanofi. Hindi gusto ng mga kompanya ng bakuna ang nangyari sa Sanofi kaya hinihingi nila ang dalawang probisyon sa sales contract.
Take it or leave it, ito ang kanilang gusto sa gobyerno ni Duterte. Wala silang tiwala kay Duterte kahit katiting – ito ang lumalabas na asal nila.
May poder si Duterte na tanggihan ang mga kondisyones ng mga kompanya ngunit tila hindi alam ni Duterte ang tunay na nangyayari ngayon. Dahil sa laki ng merkado na aabot sa walong bilyon katao at labis na kakaunti ang produksiyon, mas may kapangyarihan ang mga kompanya ng bakuna na idikta sa mga gobyerno ang kanilang gusto.
Hindi puwede ang asal ni Duterte na mistulang panginoon ng Davao City. Tinatawanan siya ng mga kompanya, sa totoo lang. Kung hindi maisara ang kontrata na tinatrabaho ni Galvez, ibebenta sa ibang bansa ang kanilang produksiyon. Sellers’ market ngayon.
Sinabi ni Galvez kay Duterte, kahit ang mga kompanya ay hindi sigurado sa kanilang produkto dahil minadali ang mga iyon. Umaabot ng taon ang paggawa ng bakuna sa totoo lang. Hindi maayos ang mga clinical preparation ng mga bakuna kontra CoVid-19 bago ilabas sa pamilihan, aniya. Nakikinig lamang si Duterte, ngunit sinabi na hindi puwede ang gusto ng mga kompanya.
Isa lang ang kauuwian ng sitwasyon na ito. Malamang na mauwi sa monopolyo ng China ang bakuna sa Filipinas. Malamang na Sinovac ang bibilhin ng national government. Tanging ang mga pribadong kompanya at LGUS ang magbibigay ng bakuna na hindi galing China sa sambayanan.
Iyan talaga ang gusto ni Duterte. Gusto niya na maging monopolyo ng mga Intsik ang pamilihan ng Filipinas. Bakunang Intsik lamang sa mga Filipino.
***
NOONG Lunes ng gabi sa programa ni Duterte, naglabas ng datos si Sonny Dominguez na nagpapatunay na hindi basta makaahon ang Filipinas sa kahirapan. Nakatakdang mangutang ng P3.3 trilyon sa taong ito. Ito ay dahil sa malaking gastos ng pamahalaan na aabot sa 4.66 trilyon, habang aabot ang buwis at iba pang kita sa P2.88 trilyon. Pandemya ang dahilan ni Dominguez sa paglaki ng gastos at utang.
Sinuma namin at aabot sa P13.6 trilyon ang kabuuang utang ng national government sa katapusan ng 2021. Nasa P10.3 trilyon ang kabuuang utang ng national government sa pagtatapos ng 2020.
Malapit na ang P13.6 trilyon sa aming projection na aabot sa P15 trilyon ang kabuuang utang ng national government sa pagbaba ni Duterte sa poder sa 30 Hunyo 2022.
Halos P6 trilyon ang utang ng national government nang umupo si Duterte noong 2016. Samakatuwid, P9 trilyon ang idadaggdag sa panahon ni Duterte.
Makapangungutang ng average na P1.5 trilyon kada taon. Makikita ang kawalan ng disiplina ni Duterte sa pananalapi.
Dahil mga utang ang ginagamit sa pagtukod sa gobyerno, babayaran ang mga utang sa takdang panahon. Huwag umasa na uunlad ang serbisyo sa kalusugan, edukasyon, at pagharap sa mga kalamidad at sakuna, at maging sa pagtatanggol sa bansa.
Nandiyan pa rin ang RA 1177 na nagtatakda na uunahin ang pagbabayad ng utang sa mga nakolektang buwis at iba pang kita. Saka na lamang ang pambansang budget pagkatapos bayaran ang mga utang.
BALARAW
ni Ba Ipe