HINILING sa Court Administrator ng Supreme Court (SC) ng mga huwes sa Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) na isailalim sa dalawang linggong lockdown ang Hall of Justice.
Sa pangunguna ng Executive Judge ng QC, ipinaabot ni Cecily Burgos-Villabert kay Court Administrator Jose Maidas Marquez na dapat isara ang lahat ng korte sa lungsod dahil sa pagdami ng CoVid-19 cases.
Sa loob ng buwan ng Marso 2021, umabot sa siyam na empleyado nila ang nahawaan ng virus, pinakamataas na ito mula nang pumasok ang CoVid-19 sa bansa.
Sa kanilang mungkahi, nais nilang isara muna mula 22 Marso hanggang 4 Abril ang lahat ng korte upang bigyang daan ang disinfection.
Mananatili aniya ang daily workload ng mga empleyado dahil gagawin ito sa pamamagitan ng online.
Masyadong nababahala si Judge Villabert sa patuloy na pagtaas ng mga nahahawaan ng virus kung saan masyadong expose ang lahat ng Court personnel.
Una nang inaprobahan ng SC ang 30% – 50% skeletal work sa mga korte dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga may CoVid-19. (ALMAR DANGUILAN)