Sunday , December 22 2024

Ang mga bakuna at mga patawa

SIMULA nang umarang­kada noong nakaraang linggo ang programa ng gobyerno sa pagbabakuna laban sa CoVid-19, tinutukan ng nag-aalinlangang bansa ang health care workers (HCWs) na unang nagpaturok ng Sinovac.

Noong nakaraang buwan, ibinunyag ng OCTA Research na 19 porsiyento lang ng mga Filipino na nasa hustong gulangna sinarbey ang handang magpabakuna, 35 porsiyento ang hindi pa nakapagpapasya, at nasa 49 porsiyento ang ayaw magpaturok kahit pa napatunayang ligtas at mabisa ang bakuna.

Nakalulungkot ang estadistikang ito kung ang layunin ay maisakatuparan ang immunity ng nakararami sa pagbabakuna sa 70 porsiyento ng populasyon.

Hindi rin nakatulong ang mga kontrobersiyang bumalot sa ipinagmamalaking pagsisikap ng administrasyon upang makakuha ng kinakailangang bakuna – mga pagtaya nang sobra-sobra sa presyohan, mga bakunang ipinuslit, mga nadiskaril na negosasyon sa pinakamahusay na vaccine brand, mga napabayaang panukalang batas, at dokumentasyon na naging dahilan para maudlot ang mga delivery… kailangan ko pa bang dagdagan ang mahaba nang listahang ito?

Ito marahil ang nag-udyok kay Defense Secretary Delfin Lorenzana upang itupi paitaas ang manggas ng kanyang damit at pumuwesto sa harap ng isang medical officer na may hawak na bakuna para sa photo-op sa opisyal na pagsisimula ng vaccine rollout sa Davao City nitong Biyernes.

Nais niyang isulong ang kampanya sa pagbabakuna at ipakita sa mundo na seryoso siya sa pagpili sa ituturok sa kanyang Sinovac – ang bakunang donasyon ng China.

Pero ito ang problema, Mr. Secretary – ganoon ba kawalang-isip ang tingin ninyo sa mga Pinoy? Hindi lamang nagdulot ng kalitohan ang ginawa n’yo dahil iniulat ng iba’t ibang media na nagpabakuna kayo pero hindi naman pala; ipinakita pa ninyo ang pagsuway sa payo ng doktor na ang mga taong kaedad ninyo ay hindi inirerekomenda para maturukan ng nabanggit na bakuna. Siyanga pala, ang doktor na pinanggalingan ng payo, na walang pag-aalinlangan ninyong sinuway, ay nagkataong kalihim ng Department of Health.

Upang matukldukan ang kalitohan at ang lantarang pagpapasaway, naging tapat si Lorenzana at inamin kinabukasan na ang nangyari ay “para lamang sa photo-op.” Hindi naman pala gano’n kalala ang tingin niya sa mga Filipino! Ito, mga kaibigan ko, ang isang matingkad na halimbawa kung bakit natukoy sa isang survey kamakailan na mas makokombinsi pa ng HCWs ang mga Filipino na magpabakuna kaysa mga opisyal ng gobyerno.

Sinabi ng mga pandaigdigang siyentista at mga eksperto sa medisina na mas mabuti pang turukan ng kahit na anong CoVid-19 vaccine — kahit na ano pa man ang sinasabing bisa at kaligtasan nito — ang mga HCWs kaysa walang anumang proteksiyon.

Gayoman, para sa akin ay mananagot ang mga awtoridad sa pagsisimula ng pagbabakuna sa medical frontliners sa bansa gamit ang donasyong bakuna na nasa 50.4 porsiyento lang ang bisa. Bakit? Dahil sa kapabayaan nila na nagresulta sa pagkakaudlot ng delivery ng mas mabisang brand ng bakuna – ang AstraZeneca; dahil ‘pumalpak’ si Health Secretary Francisco Duque III sa pinakamabisang brand – ang Pfizer. Kaya naman ang pinakamaayos na nating maipagkakaloob sa mga bayani ng pandemya ay ang pinakahindi mabisang bakuna sa mundo sa ngayon, dahil iyon lamang ang mayroon tayo.

Maaaring hindi ganito ang pagkakasabi niya, pero ganito ang ibig ipahiwatig ng vaccine czar na si Carlito Galvez, Jr., nang sabihin niyang “ang pinakamabisang bakuna ay iyong maayos na nai-deliver.”

Minsan pa, inakala na namang walang utak ang mga Filipino? O naniniwala ba talaga siyang ang maayos na delivery ay katumbas ng halaga ng tiyak na immunity? Ang ibig niya sigurong sabihin ay “losers can’t be choosers” o kaya naman ay “czar-ot!” sa gay lingo.

Hindi na nakagugulat na 8 porsiyento lang ng 240 tauhan ang pumirma para maturukan ng Sinovac sa Philippine General Hospital (PGH) ang sumipot sa pagsisimula ng National Vaccination Program. Ilang linggo na ang nakalipas nang buong pagmamalaking ideklara ng PGH na mayroon itong 94 porsiyentong acceptance rate para sa pagbabakuna kontra CoVid-19 sa health at non-health workers nito – papalo sa 3,000 frontliners sa PGH. Pero pagsapit ng Day 1 ng pagbabakuna, tanging 124 lang ang naturukan.

Habang isinusulat ang kolum na ito, ang bilang ng mga nagpositibo sa CoVid19 sa Metro Manila ay 12 araw nang umaalagwa, at naitala ang pinakamaraming bagong kaso sa nakalipas na limang buwan habang ang mga pasilidad na ginagamit sa quarantine ay nasa 89 porsiyento nang puno. Dapat mas seryosohin natin ang pagbabakunang ito kaysa magsagawa ng mga kalokohang photo-ops, puwede ba?

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

 

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *