IPINAKILALA sa amin sa pamamagitan ng mediacon ng TV5 ang isa sa aabangang programa sa estasyon simula sa Nobyembre 26, 2020, 9:30 p.m. tuwing Huwebes ng gabi.
Sari-sari na nga ang dating ng “horror feels” sa mga sitwasyong ginagalawan na natin dahil sa pandemya at kalamidad.
At mag-horror feels din na ibabahagi sa atin ang Carpool na tatampukan nina Sarab Carlos, Alex Diaz, Kate Lapuz, at Kenneth Medrano, kasama si Elora Españo.
Suspense thriller ang iikutan ng mga katauhan sa istorya na makapagpa-isip sa mga manonood sa bawat ikot at galaw nila.
Ano-ano ba ang misteryong dala ng apat na magkakasama sa isang sasakyan na kinakalampag na siyang magtatahi-tahi sa kahahantungan nila sa dulo ng kanilang lakbayin.
Nagkuwento naman ang stars sa mga “horror” encounters nila for real. At lahat sila eh, naniniwala naman sa multo.
Ang may magandang kuwento sa pagkakasama niya sa proyekto ay si Kenneth. Dahil “gay role” ang ibinigay sa kanya sa Carpool. Na hindi nga niya mapaniwalaan na magagawa pala niya.
“’Yung karakter ko as Terence, hindi tanggap ng tatay niya. Kaya natuwa naman ako when the role was given to me. Iba in the sense na hindi naman papogi ang gagawin ko. Kaya rin fulfilling kasi pina-audition talaga ako for this.
“Ang makare-relate ako, ‘yung jeep pool ko noong estudyante pa ako sa Cebu. ‘Yung hindi ako makabayad kasi wala kaming pera. Roon ako pumapara sa tapat ng bahay namin para takbo agad ako sa bahay.
“Ang kinatatakutan ko naman lagi, ‘yung madalas ako bangungutin noong bago pa lang ako sa Manila. Hanggang nagpakita na sa akin ang Lolo ko. Tapos nawala na.”
Sila ang apat na college students. Hindi magkakakilala. May kanya-kanyang mga buhay. Magkakaibang mga pangarap.
Nagsama sa isang sasakyan. Isang landas ba? Saan papunta? At sino ang sumundo sa kanila?
HARD TALK!
ni Pilar Mateo