Sunday , December 22 2024

Ang bangungot na dulot ng maiiwasan namang baha

HINDI ako pinatulog ng mala-bangungot na bagyong “Ulysses.” Hindi lagi iyong magdamagang binabayo ng Signal No. 3 na bagyo ang Metro Manila. Kahit nakapikit na ang aking mga mata at sarado ang mga bintana, binabagabag ng nag-aalimpuyong hangin ang kagustuhan kong makatulog.

Dalawang gabi na ang nakalipas, at matagal nang nakaalis ang bagyo, pero nasa estado pa rin ako ng ‘hindi makatulog.’ Sa pagkakataong ito, nakapikit ang aking mga mata at kalmado ang panggabing hangin. Pero ang mga imahen ng kalalakihan, kababaihan, matatanda, at mga batang basang-basa ang damit at nangangaligkig sa ginaw habang desperadong naghihintay ng rescue sa ibabaw ng kani-kanilang bubungan sa gitna ng nagmistulang dagat na baha ay lubhang nakapanlulumo sa akin.

Kinapanayam nitong Sabado sa SuperRadyo DZ Dobol B, sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na gusto ng mga Cagayanon na kasuhan ang pamunuan ng Magat Dam, hindi lang dahil sa matinding bahang dulot ng bagyong Ulysses, kundi dahil na rin sa nakalipas na mga bagyo na nagresulta sa malawakang pinsala at pagkawala ng mga buhay.

Ayon sa Infrawatch PH convenor na si Terry Ridon, ang mga dam na tulad ng Magat “ay madaliang nagbukas ng mga gate sa kasagsagan ng pananalasa ng Ulysses” bagamat alam ng mga nangangasiwa sa mga dam na ang kanilang protocol ay unti-unting magpakawala ng tubig dalawa hanggang tatlong araw bago ang inaasahang landfall ng bagyo.

Sumang-ayon ang kilalang geologist na si Mahar Lagmay na dahil naglabas na ang PAGASA ng taya ng panahon ilang araw bago manalasa ang Ulysses, may alternatibo ang mga nangangasiwa sa mga dam na maagang magpalabas ng tubig upang “mas madaling kayanin ng mga ilog ang dami ng tubig.”

Sinabi ni Ridon, ang biglaang pagbubukas ng pitong gate ng Magat Dam upang magpalabas ng 6,244 cubic meters per second (cms) ng tubig ang dahilan ng pag-apaw ng mga ilog, na nagpalubog sa matataong lugar sa rehiyon.

Nangangahulugan ba ito ng kapabayaang may katapat na parusang kriminal? Maaasahan ni Ridon na kaisa niya ang kolum na ito sa pagsasabing oo, walang duda.

*              *              *

Noong Setyembre 2017, nag-tweet si Ms. Gina Lopez ng retrato mula sa aerial survey ng Pasig River para sa programa niya sa telebisyon na “G Diaries.” Kapansin-pansin sa retrato ang mga kalbong kakahuyan na nakapagitna sa ilog na tumatagos sa lugar ng Marikina-Rizal.

Sinabi niya sa kanyang tweet: “Mahalagang ma-rehabilitate natin ang watershed (Marikina) na ito dahil ito ang magsisilbing pambungad na depensa ng Marikina, Quezon City, Antipolo, Pasig, Cainta, San Mateo, at iba pa, laban sa buhos ng ulang manggagaling sa kanbundukan ng Luzon.”

Patuloy niya: “Ilegal ang quarrying, dahil saklaw ito ng isang watershed!!! Hindi ito dapat na naroroon dahil tiyak na magdudulot ito ng pagbabaha sa Metro Manila!!!”

Hindi iyon isang kuwentong bayan, kundi isang masusing pag-aaral mula sa isang dating kalihim ng DENR Secretary – ang marahil ay pinakanaglalamasakit sa kalikasan sa lahat ng naluklok para pamunuan ang kagawaran.

Tama siya noon. At masakit mang aminin, pero napatunayan ngayong tama nga ang kanyang taya base sa naging epekto ng pananalasa ng Ulysses sa Luzon noong nakaraang linggo. Nag-iwan ng matinding pinsalang dulot ng mga pagbaha sa mismong mga lugar na binanggit niya sa kanyang tweet mahigit tatlong taon na ang nakalipas.

Nakatatakot na kung walang gagawing hakbangin upang ma-rehabilitate ang Marikina Watershed, at kalaunan ay protektahan ito mula sa quarrying, magiging tama pa rin siya tatlong taon o tatlong dekada mula ngayon, at lahat na tayo ay magigising sa bangungot ng maiiwasan namang baha.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *