TATLONG programa na mapapanood sa Cignal TV5 ang ipinakilala sa mga naanyayahang dumalo sa Zoom mediacon noong Lunes ng hapon.
Sa mediacon, nagbigay ng kanilang mga idea ang mga big hoss ng TV5 na si Robert Galang (President and CEO) at ng Brightlight Productions President na si former Congressman Alfredo “Albee” Benitez.
Ayon nga sa inanunsiyo tungkol sa tatlong bagong palabas–gagawin nitong bigger at better ang BER months!
Pawang masaya naman at patuloy na nasisiyahan ang mga big boss ngayon ng TV5 sa pinirmahan ng partnership nila.
At nakatuon sila sa pagtingin sa positibong kalalabasan ng partnership.
Anim na programa ang sunod-sunod na nilang isasalang para sa kasiyahan ng mga manonood. At para na rin sa kapakanan ng patuloy na mabibigyan ng trabaho mula sa industriya sa likod at harap ng kamera. Paunti-unti, na sa Mega-Manila at NCR muna matutunghayan hanggang sa umabot na sa buong Kapuluan.
Nagsidalo sa Zoom Mediacon ang ilang mga artista ng bawat palabas.
Para sa Oh, My Dad, sasalang ang aktor na mas nakilala sa aksiyon at drama na si Ian Veneracion, sa pagko-comedy.
Isang amang may tatlong anak na gagampanan nina Sue Ramirez, Louise Abuel, at Adrian Lindayag ang katauhang sasakyan ni Ian bilang si Matthew ‘Matmat’ Balderama. At hindi niya alam na tatlong supling mula sa iba’t ibang babae ang bubulaga sa kanya.
Sabi nga ni Ian, “As an actor, I was born in a sitcom ‘Joey&Son’ as the son. After doing different roles for action, horror, villain roles, gay roles, leads for love stories, musicals, animation…now I feel like I’ve come full circle, going back to sitcom. This time as a Dad.”
Si Atty. Joji Alonso ang supervising producer at legal counsel para sa mga palabas na ito para sa TV5.
Sumalang din sa tsikahan with the press ang love interest ni Ian sa sitcom na si Dimples Romana, ang 1969 Miss Universe na si Gloria Diaz na gaganap bilang tiyahin niya, at ang batikan na sa pagko-comedy na si Ariel Ureta bilang kanyang ama.
Sa Sabado, Oktubre 24 na, 5:00 p.m. ito matutunghayan. At sa palitang kuwento ng mga artista, naihanda naman na nila ang mga sarili sa kinaharap nilang pagsalang sa health protocols dahil ang mga tanong nga ngayon eh, isinasagawa sa pamamagitan ng pag-lock in sa kanila kung saan sila nagtrabaho.
Sa nakita ko naman sa teaser-trailer ng I Got You, siguradong aabangan ng mga manonood ang ikot ng romantic drama nito na pagbibidahan nina Beauty Gonzales, Jane Oineza, at RK Bagatsing.
May magandang temang tinutumbok ang iikot sa lovestory ng tatlo na isang sundalong dumaranas sa post traumatic stress disorder si RK, na makikilala ang therapist na si Beauty. Si Jane ba ang magiging third wheel sa kakaibang ikot ng pagsasanga-sangahin nilang landas?
Mayroon ding ihahatid na noontime show ang TV5na ang head honcho ng Kapamilya sa maraming programa na si Johnny Manahan ang magdidirehe.
Sa Sunday Noontime Live, magsasama-sama ang mga nakasanayan nating mapanood sa kabilang estasyon noon na sina Piolo Pascual at Maja Salvador. At isasama sa kanila sina Catriona Gray, Donny Pangilinan, at Jake Ejercito.
Ang Sunday show naman eh sa Oktubre 28 na aabangan.
Kita ang excitement sa mga tinuran nina Jake at Donny sa mga tanong sa kanila ng press. Kapwa nagmula sa mga pamilyang nananalaytay na ang dugong showbiz sa mga ugat, kaya sigurado ring hindi maiiwasang pagkomparahin ang dalawa.
Ang tatlo pang programang mapapanood sa TV5 at Cignal TV ay ang Rated Korina, Lunch Out Loud (na ididirehe rin ni Mr. M), at Sunday Kada (na ididirehe naman ni Edgar “Bobot” Mortiz).
Mga palabas na kagyat na aaliw sa mga puso’t isipang maya’t mayang nalulukuban ng lungkot dahil sa pandemya.
Huwag ng tarayan, i-bash o i-bully pa ang mga artist at production people na naghanap muna ng bagong bahay o tirahan.
Trabaho pa rin ito!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo