ISANG malaking billboard sa Ayala Feliz Mall ang nagtatampok sa isang mala-Koreana ang mukha na punompuno ng saya at makinis na kutis na aakalain mo, billboard para sa isang ad ng isang produkto.
Pero, teka, teka, teka. May ibang kaway na hatid ang nasa billboard.
Christi Fider pala ang pangalan niya. Recording artist ng Star Music. At ang billboard eh, para sa kalulunsad na single niyang ang pamagat ay Teka, Teka, Teka na isinulat ng direktor at composer na si Joven Tan.
Sa edad na 20, marami pa ring mga pangarap ang dalagang nagtapos ng kursong History sa Pamantasan ng Santo Tomas at napakataas ng nakuhang grado sa ginawang thesis (Emeritus) tungkol sa mga ginawang obra ng isang Mars Ravelo ng Komiks.
Ayaw man umeksena ng kanyang inang si Edith sa tinatahak ngayon ni Christi sa larangan ng musika, hindi maaaring hindi mabanggit ang ina. Dahil ito ay isang independent producer sa pelikuka (Tatlong Bibe, Padre Damaso at iba pa). At isa ring negosyante (Tessera Jewelries).
Kaya nga noong kasagsagan ng mga protest rallies sa HongKong, naipit si Christi dahil may kinailangan siyang asikasuhin sa opisina ng negosyo nila roon.
“Mabuti po at marami tayong mga kababayan na naprotektahan naman ako at hindi naman nasaktan. Kapag alam naman ng mga nagpo-protesta na hindi ka Chinese, hindi ka nila gagalawin.”
At ngayon sinusubok ni Christi na ibahagi ang talento niya sa pag-awit. At marami na nga ang nagsabi na hindi niya lang kahawig si Moira dela Torre kundi nahahawig din ang boses niya.
“Hindi ako aware na magkahawig kami ng boses. At hindi ko naman gagawin na manggaya. It just so happened na magka-timbre lang siguro. I met her na in an event. Okay naman po.”
Nag-workshop na sa acting si Christi. Kaya nga napabilang siya sa mga Adobers ng Kapamilya. Pero dahil sa nangyari rito, nagkanya-kanya na rin muna ng ikot ang mga karera nila.
Sina Moira at Marion Aunor nga ang hinahangaan ng dalaga sa larangan ng kantahan. Pero nasagot niya ang tanong na ang longtime crush niya ay ang anak nina Maricel at Anthony Pangilinan na si Donnie.
NBSB (No Boyfriend Since Birth) ang dalaga.
“Hindi naman ako hinihigpitan ng parents ko when it comes to that. Talaga lang na wala sa focus ko. And siguro, dahil ang gusto ko rin, kung magbo-boyfriend ako, siya na rin ‘yung magiging husband ko. Kaya, hindi ko ipinipilit o hinahanap ‘yun. Alam ko na ibibigay naman sa akin sa time na meant for me and him.
“What attracts po sa akin are the lips. Understanding and loyal. Sana matangkad sa akin. Sana, when I reach 30, engaged na ako.”
Tumutugtog siya ng ukulele. At may alam din sa gitara. At Kalimba.
Pero nagkakasundo sila ng Ate niya pagdating sa kusina. Baking cookies. And cakes. Kaya nakaisip na sila ng pangalan ng bubuksan nilang puwesto sa Robinson’s Magnolia, ang The Two Weirdoughs.
Bubble Gum Pop Princess ang titulong sinasabing bagay sa dalaga at sa kanyang kanta. Ito ang genre ng nagsimula ng umereng kanta sa iba’t ibang radio stations. Na nasa sari-saring digital platforms worldwide.
Kahit nami-miss na niya ang Adober Studios at nami-miss ang mga nakasama rito, alam ni Christi na sa isang punto ay magkakasama at magkikita pa rin sila ng mga ito.
Sobrang bubbly at energetic. Ito ang personalidad ni Christi.
“I always keep my faith in God. And if I am guided, wala akong dapat na ikatakot with the things I will pursue. I also have my ChrisTV sa YouTube. Lifestyle content. Hilig ko rin kasi mag-model. Ini-enjoy ko lang lahat ng dumarating. And I feel thankful sa lahat ng sumusuporta sa song.”
Good vibes. Inspiring. People can relate to.
“Bago pa man ito mai-release, nakatutuwa na mapanood na marami na rin ang gumamit nito sa TikTok. Si Zeus Collins ang unang gumamit nito sa TikTok. Ginawan niya ng dance. Kaya nakatutuwa kasi maraming mga tao na ang sumasayaw nito sa TikTok. Kaya po, ‘yung feeling na nakaka-uplift pa ang kanta, eh isang bagay na gusto nating maramdaman sa panahon ng pandemya.”
Kaway-kaway na at isayaw na ang Teka, Teka, Teka!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo