Sunday , December 22 2024

Bagong lider, bagong PhilHealth

NAGBIBIRUAN ba tayo rito? Sinabi ni Department of Health Secretary at PhilHealth Chairman Francisco T. Duque III na sinusuportahan niya ang bagongtalagang si PhilHealth President Dante Gierran sa “pagbubulgar sa mga scalawags” sa state medical insurance firm.

 

‘Yung totoo, nagdodroga na ba si Duque?

 

Malinaw namang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na matapos ang mabilisang mga pagdinig sa mga anomalya sa PhilHealth, inirekomenda ng Senado ang pagsasampa ng mga kasong malversation at graft laban sa matataas na opisyal ng PhilHealth. Special mention pa nga si Duque na kabilang sa mga “scalawags” na binanggit ng mga kagalang-galang na miyembro ng komite ng Senado.

 

Bilang reaksiyon, kinontra ng DOH Secretary ang Senate committee of the whole sa pagkakasama ng kanyang pangalan sa mga inirekomenda nitong kasuhan. Nakuha pa niyang sabihin na siya ‘yung tipong “hinding-hindi kukunsintihin ang katiwalian at kuropsiyon.”

 

Iniisip yata niyang walang ideya ang publiko tungkol sa dati niyang pagkakasangkot sa health card scheme sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo o sa mga business transactions sa DOH at PhilHealth ng mga kompanyang pag-aari ng kanyang pamilya — na malinaw na malinaw namang may conflict of interest, gaya ng sinasabi ni Sen. Panfilo Lacson.

 

Maaaring may ilang tao sa malalaking lugar na nauuto at naniniwala sa mga itinatanggi ni Duque o nakikinabang sa kanyang ‘inosenteng’ pagkakasangkot sa multi-bilyong bulsahan ng pondo ng tinaguriang “mafia” sa PhilHealth.

 

Pero sa palagay ba niya ay mailulusot pa rin niya ang sarili sa panibagong alegasyon ng kuropsiyon at gaya ng ginagawa sa iba ay mabobola rin niya ang bagong presidente ng PhilHealth?

 

Nagkakamali ka! ‘Di na uubra ang mga palusot mo sa pagkakataong ito. Si Gierran, isang abogado at accountant, ay unti-unting umangat sa kanyang puwesto hanggang sa tuluyang pamunuan ang National Bureau of Investigation (NBI). Labis kong inirerespeto ang kanyang integridad at ang kakayahan niyang makaamoy ng kasinungalingan at pandaraya.

 

Sa panig ni Gierran, mayroon siyang wrecking ball mission mula kay Pangulong Duterte, na inutusan siyang simulan kaagad ang paglalansag sa “sindikato sa PhilHealth” sa pamamagitan ng pagsibak sa puwesto sa lahat ng regional vice president ng korporasyon.

 

Ipagpatuloy lang ni Duque ang pagmamaang-maangan hanggang gusto niya, pero ang kahaharapin niya, kasama ang nag-resign na si PhilHealth President-CEO Ricardo C. Morales, sina Senior Vice Presidents Renato Limsiaco at Israel Francis Pargas, Executive Vice President-COO Arnel de Jesus, SVP Jovita Aragona, at Acting Senior Manager Calixto Gabuya, ay isang asuntong suportado ng buong puwersa ng gobyerno.

 

Dawit silang lahat sa report ng Senado, na inirekomenda ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa kanila. Ikinasa na ng Department of Justice (DOJ) at ng Commission on Audit (COA) ang sanib-puwersang imbestigasyon nito. At mismong ang Pangulo ng bansa ay nagpuwesto ng pinunong may integridad para pamunuan ang PhilHealth, sa katauhan ni Gierran, na siguradong magpapamalas ng kanyang husay bilang imbestigador ng NBI upang matukoy ang mga dapat managot.

 

Umaasa tayong ito na ang hudyat ng bagong PhilHealth para sa ating bansa.

 

*         *         *

 

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

 

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *