ININSPEKSIYON ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang Tala Elementary School Quarantine Facility.
Inilaan ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang dalawang gusali ng Tala Elementary School (ES) upang magsilbing quarantine facility para sa mga mamamayan ng lungsod na positibo sa CoVid-19 at mga residente na may sintomas at naghihintay sa resulta ng kanilang swab test.
Ani Mayor Oca, ibibigay din sa mga pasyente na gagamit ng naturang quarantine facility ang parehong serbisyo na mayroon sa ibang pasilidad tulad ng pagkakaroon ng health worker na magmo-monitor sa kalagayan ng mga pasyente, vitamins, libreng pagkain at maging libreng wi-fi connection.
“Tanging pagpapagaling at pagpapalakas na lamang ng kanilang katawan at resistensya ang iisipin nila,” dagdag ng alkalde.
Ang 192 bed capacity ng Tala ES Quarantine Facility ay magiging karagdagan sa kasalukuyang 1,030 bed capacity ng lahat quarantine facility sa Lungsod ng Caloocan. (ROMMEL SALES)