NOONG huli kaming nakadaan diyan sa underpass sa tapat ng City Hall ng Maynila, diring-diri kami eh, kasi may lugar na may tubig, mapanghe ang amoy, at matatakot ka dahil may mga taong grasa na roon na yata nakatira na hindi mo masasabi kung magho-hold up na lang bigla o hindi. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga tao nakikipag-patintero sa mabibilis na sasakyan sa Burgos St.. Tapos nagje-jaywalking na lang dahil hindi mo madadaanan nang maayos ang underpass.
Nagulat kami roon sa pictures na nakita namin dito Hataw isang araw. Iyong marumi at mapanghing underpass, aba eh maliwanag na pala, malinis, pinalitan na ang tiles, may mga mural pa sa tabi, wala na ang mga istambay at hindi na mapanghe. Riyan lang sa mga bagay na iyan, mapupuri mo na talaga si Mayor Isko Moreno. Kahit na nakatutok siya sa mga kaso ng Covid-19, hindi niya napababayaan ang ibang tungkulin niya bilang mayor. Nalilinis niya ang lunsod, naaalis ang mga istorbong vendors sa kalye, at nahuhuli pa ang mga kriminal.
Samantalang noong una, ang sinasabi ay “bata pa iyan. Kulang pa sa karanasan” at ang mas masakit, “artista lang iyan.”
Pero pag-aralan ninyo, ang isa pang pinarangalan bilang outstanding mayor sa ngayon, si Richard Gomez, “artista lang din iyan.” Ang isang local official na nagtamo ng pinakamataas na karangalan bilang local official ay si Vilma Santos, noong panahong governor pa siya ng Batangas, “artista rin iyan.”
Noong araw, isa sa kinilala bilang mahusay na senador at tapos ay inirerespeto rin bilang isa sa pinakamahuhusay na ambassadors ng Pilipinas, si Rogelio dela Rosa. Artista rin iyan.
Kaya huwag ninyong mamaliitin ang mga artista. Ano ang malay ninyo, baka magkaroon tayo ulit ng isang presidente ng bansa na artista rin, na mas magiging matino ang pamumuno.
HATAWAN
ni Ed de Leon