NAPATAGAL man ang pagkakapurnada, heto at nangyari na ang pinakahihintay nating sabunan nang walang banlawan.
Hindi na puwedeng magbingi-bingihan ang mga big boss ng Smart Communications at Globe Telecom ngayon na mismong si Pangulong Duterte na ang nagpahayag ng pagkadesmaya sa kalidad ng kanilang wireless services, kaya nga special mention sila sa State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 27.
Matindi at direkta ang banta ng Presidente sa dalawang nangungunang telecom companies sa bansa — ayusin ang kanilang serbisyo sa susunod na limang buwan kung ayaw nilang maipasara at ma-sequester ng gobyerno ang kanilang kompanya. ‘Yan ang narinig ko mula sa lider na taga-Malacañang.
Hindi lang ito basta reklamo ng isang tatay na work-from-home na pinaghintay ng 15 minuto sa pagtawag niya sa customer service, o Facebook post ng isang online student na nabuwisit sa napakabagal na Internet sa Apartment 21-B. Kung ako ang tatanungin, tipong mala-gangster ang tindi ng pagbabanta, kung manggagaling ba naman iyon sa mismong Presidente ng Filipinas.
Pero maging patas tayo. Makalipas ang tatlong araw, nakiupo si Globe President-CEO Ernest Cu sa COVID-19 task force meeting kasama ang Pangulo. Nagkaroon ng pagkakataon si Cu na ihinga ang kanyang mga reklamo tungkol sa “maraming-maraming taon” nang red tape sa pagkuha ng mga permit mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.
Ayon kay Cu, nasa 25 hanggang 29 permits ang kailangang kompletohin ng telcos, bukod pa sa napakaraming bayarin, para makapagtayo ng isang tower. Aniya, aabutin ng walong buwan ang napakatagal na prosesong ito, at ito raw ang nakapipigil sa mga telcos sa pagtatayo ng mas maraming tower upang mapabuti ang kanilang serbisyo.
Nang sumunod na araw, sinolusyonan ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang reklamo ni Cu, at inianunsiyo na ang DILG, kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno, ay nagpalabas ng joint memorandum circular upang ma-“streamline” ang proseso ng pagkuha ng mga permit sa pagtatayo ng mga telecom towers, kaya mula sa dating walong buwan na pagkompleto ng mga permit, makokompleto na ang lahat ng requirement nang “wala pang isang buwan.”
Tinanggal na sa memo ang requirement na resolusyon mula sa city council at permiso mula sa homeowners’ associations at condos. Ang kailangan na lang makompleto ay barangay clearance, Unified Application Form for Locational Permit, Fire Safety Evaluation Certificate, building permit, property documents mula sa mga may-ari o umuupa sa mga rehistrado o walang titulong lupa, at “select ancillary permit and accessory permit requirements.”
Malinaw na nasolusyonan na ang pinoproblema ni Cu, kaya wala na rin dahilan upang hindi nila magawa ang inaasahan sa kanila. Kailangan nang simulan kaagad ng Globe at Smart ang kanilang trabaho bago pa maubos ang pasensiya ni Duterte sa susunod na limang buwan, at sana nga ay mapabilis na, sa wakas, ang connection services sa bansa.
Habang hinihintay ng bansa ang ikatlong telco, ang Dito Telecommunity na pag-aari ng paborito ni Duterte na si Dennis Uy, sigurado akong seseryosohin ng Globe at Smart ang bantang pagpapasara sa kanila, lalo ngayong katatapos lang masampolan ang pinakamalaking media conglomerate sa bansa, ang ABS-CBN.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.