BAGAMAT ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo “Bong” Vega sa kanyang tanggapan sa Palasyo kagabi para sa isang one-on-one meeting, nanatiling hepe ng ahensiya si Secretary Francisco Duque III.
Nabatid sa Palace source, ang pulong ay naganap bago harapin ni Pangulong Duterte ang ilan sa kanyang “key cabinet members” para talakayin ang panawagan ng medical community na ibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Mega Manila sa loob ng dalawang lingo para ‘makahinga’ sila sa nag-uumapaw na kaso ng COVID-19 na pumalo na sa mahigit 100,000.
Ayon sa source, ang pulong nina Duterte at Vega ay pinagkulumpunan ng iba’t ibang espekulasyon pero tila ‘mainit na kawaling nabuhusan ng malamig na tubig’ nang sabihin ng source na ilalagay ang Mega Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Magugunitang inulan ng batikos si Duque mula sa iba’t ibang sektor dahil sa anila’y palpak na mga patakaran niya sa kampanya kontra COVID-19 na nagresulta sa pagkalat ng sakit sa Filipinas.
Si Vega ay dating chief ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City, bago itinalagang health undersecretary for special concerns noong nakalipas na Hunyo.
Itinalaga rin si Vega kamakailan bilang “treatment czar” o point person sa pagtukoy sa “critical care utilization and hospital care and capacity.”
Miyembro ng pamosong Scintilla Juris fraternity si Vega. (ROSE NOVENARIO)