KAHIT na nga nasa ilalim ng GCQ, nagkaroon ng localized lockdown sa Lipa dahil may isang lugar na dumami ang infected ng Covid-19, at dahil diyan iniutos na ang lahat ng papasok sa Lipa, kahit na ang mga may trabaho sa lunsod, na naglalabas pasok, ay magpakita muna ng katunayan ng rapid test o swab test, bago sila payagan sa Lipa. Iyon ding mga residente ay sinabihang huwag lalabas ng bahay maliban kung talagang kailangang-kailangan.
Iyang paghihigpit sa kanilang lunsod ay sinuportahan naman ni Congresswoman Vilma Santos.
“Ang tingin ko tama ang desisyon ni Mayor Africa, kasi kontrolado na naman ang problema sa city eh, kaso noong magluwag nga, maraming pumapasok na galing sa labas, iyong mga residente naman nakakapunta sa ibang lugar, may biglang nangyaring ganyan.
“Nakarating din naman sa akin, kasi nga closely nagmo-monitor din kami ni Senador doon sa mga ospital na kung darami pa iyan, baka magaya kami sa NCR na hindi na rin makayanan ng mga health worker ang dami ng may sakit. Nakakatakot na sitwasyon iyon. Totoo naman na kailangang tingnan natin ang kalagayan ng ekonomiya, pero mukhang mas mahalaga sa ekonomiya ang buhay ng tao. Hindi naman pinapatay ang negosyo, pinag-iingat lang nang doble ang mga tao,” sabi ni Ate Vi.
Pero hindi ba problema iyan kung hindi na naman makakalabas ang mga residente?
“May natitira pa naman kaming kaunting budget. At saka sa akin, malaking tulong talaga simula pa noong pumutok iyong Taal hanggang sa Covid iyong mga ineendoso kong mga produkto, mga pagkain at gamot. Kasi nga endorser ako, basta tumawag ako at humingi ng tulong nagpapadala naman sila agad ng mga produkto nila na siya namang ibinibigay namin sa mga tao. Isa iyan sa advantages na nakikita ko dahil artista rin ako. Pero pabor ako sa paghihigpit. Aba eh nakita naman natin kung gaano kahirap ang tamaan ng Covid, at dapat lang na mapigil agad iyan sa anumang paraan,” sabi pa ni Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon