‘PALPAK’ ang eksperimentong ginagawa ng administrasyong Duterte sa Metro Manila kaugnay sa paglaban sa coronavirus disease (COVID-19) .
Base ito sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Filipinas na naungusan na ang China dahil naitala kahapon na 85,486 ang naimpeksiyon kompara sa China na pinagmulan ng pandemya na 84,600.
Inaasahang iaanunsiyo ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang antas ng kuwarantena sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa.
Ngunit naniniwala si Presidential Spokesman Harry Roque na magiging matagumpay ang isinasagawang ‘eksperimento’ ng gobyerno sa Metro Manila at puwede pang ipagmalaki.
“Metro Manila will be a living experiment and it’s an experiment that we believe we can be successful at, and it will be something that we can be proud of,” pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa panayam sa CNN kahapon.
Ipinahiwatig ni Roque na magkakaroon ng “major changes” sa hakbang ng pamahalaan kontra COVID-19 simula ngayon.
“Let’s just say that things will not be the same, there will be major government’s coronavirus pandemic response starting Aug. 1. The people will now see the difference in the response that we will have, it is now thoroughly invigorated, and part of it is we build capacity and we now have the capacity to do what we wanted from the very beginning,” dagdag ni Roque.
Inaprobahan kahapon ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang muling pagbubukas ng gyms, internet shops, tutorial and review centers, at drive-in cinemas sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine simula sa 1 Agosto 2020. (ROSE NOVENARIO)