SA isang panayam sa radyo, nagpahayag ng pagsisisi ang komedyanteng si Long Mejia, matapos na ideklarang persona non-grata, pati na ang kanyang mga kapwa artistang sina Dagul at Gene Padilla ni Ilocos Sur Governor Ryan Singson.
Ayon sa balita, lumabag sa protocol sina Long at mga kasama sa kanilang ginawang paglalakbay sa nasabing lugar.
Taga-Bulacan si Long at doon siya nanggaling patungong Ilocos Sur.
Naging kampante naman sila sa kanilang paglalakbay dahil pinadaan naman sila sa mga check-point na nauna na nilang dinaanan.
Ayon pa sa komedyante, may ilang nakakilala sa kanila at nagpa-litrato pa sa kanila ng mga kasama niya.
“Naanyayahan ako sa isang house blessing. At alam naman natin ang kalagayan naming mga artist sa panahong ito. Kaibigan ko naman ang nag-imbita at dahil sinabi naman niya na siya na ang bahala sa amin ng mga kasama ko, aabutan na lang daw niya ako.”
Nakarating naman sina Long sa nasabing okasyon. Pero nang papauwi na sila kinagabihan, doon na sila nasita sa Tagudin at hinahanapan sila ng travel pass.
Doon na-realize nina Long na mali nga na wala silang bitbit na travel pass.
Pero kung sa una pa lang daw na dinaanan nilang check-point ay hinanapan na sila roon malamang na hindi na sila tumuloy sa kanilang lakad.
Aminado naman ito sa kanilang pagkukulang kaya nais nga nitong makausap din ang butihing anak ng kanyang para na ring tatay na si Manong Chavit para humingi ng kapatawaran.
Igawad kaya ni Governor Ryan ang hiling ni Long? Paborito nga niyang puntahan ang nasabing bayan bukod nga sa may mga kakilala siyang naninirahan doon.
Kaya, nagso-sorry si Long sa mga Chavit, pati na sa mga taga-Ilocos Sur sa naging kapabayaan nila sa hindi pagkuha ng travel pass.
HARD TALK!
ni Pilar Mateo