SA dating ng panganay ni Sharon Cuneta na si KC Concepcion, hindi mo iisipin na ito ay bihasa sa pananagalog.
At isang makatang maituturing.
Natulikap namin ang bago niyang entry sa kanyang #KCDiaries na tula na iniisip din niyang malapatan ng tunog para gawing kanta.
“ISIP, napapagod kakaisip
Sa halip na mukhang walang ganap
Meron pa ring hinahanap-hanap
Umiikot, mundo’y paikot ng paikot
Sa dami ng napuntahan
Bakit sa yo pa rin ang hantungan
Damdamin
Damdamin lang ang naiintindihan
Sa gitna ng mga pasikot-sikot
Maghiwalay man o muling magkabalikan.
“Titigil
Tumitigil minsan ang utak pag napigil
Kahit pansamantala lang
Kahit makatulog ng panandalian
Hala tumibok
Bigla siyang titibok
Di maiwasang bumangon
Panaginip
Nananaginip pa rin kahit gising
Tila may nagpapaalala
Ng…oo, lahat ng ala-ala
Paano
Paano ‘tong nararamdaman
Di mapakali
Walang mapaglagyan
Eto ang isang ngiti…
Ngingiti na lang”
At ang emojis sa simula at dulo ng tula ay ulap.
May mga nagtatanong pa rin kung may napipinto bang pagbabalikan sa kanila ni Piolo Pascual? Pero lahat ay pawang hula at haka-haka at pagbabakasakali.
Pero kapag hinimay ng isang manunula ang tinutudla ng laman ng isip at puso ngayon ni KC, maaaring may ulap nga na nagpapalambong sa naguguluhan pa niyang isipan.
Kathang isip man o tunay na dinarama ng puso na hindi mailabas-labas ang bugso, pasasaan ba at lalabas din ang itinutumbok ng ginagawang mailap na mga pananalita.
Kung magkabalikan ba sila, ayaw niyo?
Basta ang tinutumbok ng isip niya, isang ngiti ang ibinabadya.
Malay ba natin kung ano ang nasa likod pa ng ngiting ‘yun!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo