MARAMING kaso ng cyber bullying na natutulog sa NBI dahil nahihirapan silang mai-trace ang mga gumawa niyon. Nakagagamit kasi ng ibang identity ang gumagawa ng kalokohan sa social media. Mahirap tukuyin. Kung natatandaan ninyo, iyong kaso nga niyong pinatay na kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda inabot ng kung ilang taon sa NBI bago nakuha ang bangkay eh.
Pero kung gugustuhin pala ng NBI at DOJ, mapapabilis nila ang imbestigasyon. Sa loob ng dalawang araw, natukoy nila kung sino iyong umano’y “nagbantang gahasain” ang anak ni Sharon Cuneta. Nasa UK iyong tao, pero natukoy nila ang tunay na pangalan at ang address, at sinasabi nila na maaaring gamitin ang “extradition treaty” ng Pilipinas para pauwiin iyon at mahuhusgahan dito.
Iyang extradition na iyan, hindi nila nagamit laban kay dating COMELEC chairman Andy Bautista na alam halos ng lahat kung nasaan at nakikita pang namamasyal sa US.
May nagtatanong lang, dahil ba iyon sa katotohanang sinabi mismo ni Sharon na kaibigan niya at dating abogado si Justice Secretary Menardo Guevarra?
Pero sa totoo lang ha, humahanga kami sa bilis ng imbestigasyon ng DOJ at ng NBI sa kasong iyan ni Sharon. Bilib kami sa kanila. Sana lang sa lahat ng kaso ganyan sila kabilis para mas makuha naman nila ang pagtitiwala ng mga tao.
HATAWAN
ni Ed de Leon