MAGANDA naman ang sinasabi ng Kapamilya Channel. Nakapag-rehistro sila ng record sales sa commercials nila kahit na wala silang free TV. Ibig sabihin, kahit na nga sa cable channels lang sila at sa social media, naniniwala ang mga sponsor na ok pa rin silang advertising outlet. Hindi man tuwiran, sinasabi nila na mas pinanonood pa rin sila kahit na nasa cable at internet lang sila.
Iyong kalaban kasi nilang GMA Network, on the air nga pero ang ipinalalabas naman ay puro replay lang ng mga lumang teleserye. Siyempre pagkatapos ng 100 days replay, gusto naman ng mga tao na makapanood ng bago.
Pero dahil diyan, mukhang lalong uminit ang ulo ng kanilang mga oppositors, dahil ang feeling ng mga iyon, “napalusutan” sila dahil wala rin naman palang saysay ang pagpigil nila sa on the air broadcast ng ABS-CBN, puwede naman palang magpalabas sa cable at internet lang, na hindi kailangan ng franchise batay sa isang batas na ginawa ni Presidente Cory Aquino sa ilalim ng kanyang “revolutionary government” noon.
Pero mayroon pang isang issue, ang ipinatutupad nilang “talent fee cut” sa mga artista. Humingi sila ng ayuda sa mga artista nila dahil nga nalulugi raw sila ng P35-M bawat araw simula nang patigilin nang mag-expire ang kanilang franchise. Ang punto ngayon, malaki naman pala ang kanilang kinikita sa commercials kahit na sa cable at internet lang, at iyan ay galing mismo sa pra la la nila, bakit kailangan pa ang “price cutdown” sa mga artista? Bakit kailangan pa ang “tawad tilapia” sa talent fee?
Eh kung pumapayag naman ang mga artista, para mas malaki ang tubuin ng network na nalugi at marami pang kailangang bayarang mga pagkakautang, bakit nga ba hindi. Kaya lang, bakit nga ba kailangan pang ilabas sa publiko iyang “tawad tilapia” story. Sana sila-sila na lang ang nagtawaran.
Nagiging inconsistent sila eh. Malaki ang kinikita sa commercials kahit na off the air, pero “tawad tilapia” naman. Ano ba ang totoo?
HATAWAN
ni Ed de Leon