MATINDING pangamba sa pagsasabatas ng Anti-Terror Bill ang ipinahayag ni Deputy Speaker Mujiv Hataman matapos arestohin ang dalawang negosyanteng Muslim kahit walang arrest warrant.
Ayon kay Hataman, ang Anti-terror Bill kapag naging batas ay madaling abusohin ng mga awtoridad.
Kaugnay nito kinondena ng Basilan representative na si Hataman ang pag-aresto sa dalawang Muslim na negosyante sa San Andres, Maynila at ang ilegal na pagpasok sa bahay nang walang court order.
Aniya, nangyari ang insidente noong Independence Day.
Desmayado si Hataman sa paraan ng pulis sa operasyon laban kay Saadudin Alawiya at Abdullah Maute na kinilala ng Manila Police District (MPD) bilang drug suspects.
“Hindi pa nga nagiging batas ang Anti-Terrorism Bill, may narinig na naman tayo na mga kuwento ng pang-aabuso ng mga pulis sa mga kapatid nating Muslim.
Paano pa kaya ‘pag naging legal na ang warrantless arrest sa ilalim ng panukalang ito? Ano na ang proteksiyon ng mga Moro at iba pang Filipino mula sa pang-aabuso?” ani Hataman, ang dating gobernador ng binuwag na Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nagkagulo sa San Andres noong pinasok ng mga anti-drug agents ng MPD ang bahay ng dalawa na walang search warrant at ang pag-aresto sa dalawa nang walang arrest warrant.
Ayon sa mga kamaganak ng mga suspek na nakapag-video ng insidente, lehitimong jewelry traders at hindi tulak ng droga ang mga suspek.
Namawagan si Hataman sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang insidente na may malakas na ebidensiya na nag-abuso ng kapangyarihan ang mga pulis.
“Ang sabi, buy bust operation dapat ito. Ang sabi, dapat sa Luneta nangyari, pero hindi nagpakita. Given na totoo itong claim ng pulis, may kapangyarihan na ba sila na puntahan ang mga nasabing Muslim sa bahay at halughugin ang kagamitan at arestohin sila kahit walang warrant?” tanong ni Hataman.
“Mabilis itong kumalat sa social media, at pati sa aking tanggapan ay umabot ang mga reklamo ng mga kamag-anak at kapitbahay ng dalawa. Ayaw din natin sa droga, but there is an uproar about what happened, and it involved trampling on basic human rights. And if this is the case, then we have to look closely at what happened. If they are really involved in drugs, then the police should build a better case against them instead of going the easy road and disregarding due process,” dagdag ng mambabatas.
“Ito rin ang pinapangambahan ko sa Anti-Terror Bill.
Nasabi ko na baka mas kailangan natin palakasin ang ating enforcement operations kaysa bigyan ng masyadong malawak na kapangyarihan ang law enforcers na maari nilang maabuso. Kung simpleng drug operation, tila hindi kayang dumaan sa proseso at arestohin nang tama ang mga pinaghihinalaan, paano na lang kaya sa ilalim ng Anti-Terror Bill na may warrantless arrest ng 24 araw?” tanong pahayag ni Hataman.
(GERRY BALDO)