PINAIIMBESTIGAHAN ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/MGen. Debold Sinas ang social media post ng isang foreigner, residente sa Bonifacio Global City (BGC), noong 3 Hunyo, sa paninita ng ilang babaeng pulis habang naglalakad ang kaniyang anak sa Burgos Circle.
“I am saddened to hear about a post in Facebook of one foreigner and resident in BGC regarding an incident last June 3, 2020 involving patrolling policewomen in Burgos Circle, BGC in Taguig City,” ani Sinas.
Sinabi ng NCRPO Chief, hindi niya kukunsintihin kung may pambabastos na nagawa ang kaniyang mga tauhan.
Iniutos ni Sinas sa chief of police ng Taguig City na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng lungsod upang linawin ang ipinatutupad na alituntunin na pumapayag sa may edad 20 anyos pababa at senior citizens na makalabas ng bahay para sa pag-eehersisyo, alinsunod sa Inter-Agency Task Force Resolution No. 38 Section 4 (13).
Sa inisyal na ulat na isinumite ng Taguig City Police Station, nagresponde ang mga policewoman sa report na marami ang lumalabag sa general community quarantine (GCQ) sa lugar .
Sila umano ay kabilang sa Taguig social distancing patrollers na naipadala matapos ang pre-deployment briefing.
Nang nasa erya sila ay nakita ang isang babae na may kasamang bata habang nakikipagkuwentohan sa ibang tao na wala umanong suot na face masks maging ang kaniyang toddler na anak.
Hindi pa man nasisita ay umalis at naglakad na ang mag-ina habang papalapit ang mga babaeng pulis.
Sinundan sila ng mga pulis at sinabihan na magsuot ng face mask ngunit nakipagtalo umano ang babae kaya sinabihan siya na aarestohin siya na sinagot umano na susunod at uuwi ng bahay.
Nang dumaan muli ang mga pulis ay nakita sa isang establisimiyento ang babae na nakikipag-usap sa dalawang tao nang walang social distancing at nang mapansin na nakahinto ang police patrol car ay mabilis na pumasok sa loob ng establisimiyento.
Tiniyak ni Sinas na ang Team NCRPO ay patuloy na babantayan ang sarili nilang hanay at palaging bukas sa anomang reklamo, ulat, at sa public services na may kaugnayan sa pagpapatupad ng batas sa Mtero Manila.
Maaari itong itawag ito 0915-888-8181 at 0999-901-8181 para sa aksiyon. (JAJA GARCIA)