SINAMANTALA ng mga notoryus na tulak ang bahagyang pagluluwag ng panahon nang sumailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) kaya umarangkada sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot ang apat na suspek.
Ngunit natimbog at nakuhaan ng tinatayang P12 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang mga suspek sa ikinasang buy bust operation kamakalawa ng hapon, 26 Mayo ng pinagsamang puwersa ng Olongapo City PNP sa kahabaan ng Laban St., Balic-Balic, Sta Rita, sa lungsod ng Olongapo, lalawigan ng Zambales.
Kinilala ni PRO3 Director P/B.Gen. Rhodel Sermonia ang mga suspek na sina John Mark de Guzman alyas Chocoy; Jeff Dennon Rivera, alyas Wami; Michael Salac, alyas Mike; at Archie Boy Usenar, alyas Achie, na sinasabing kabilang sa drugs watchlist at pawang residente sa nasabing lungsod.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang 17 maliliit at malaking sachet ng hinihinalang shabu na umabot sa 1 1/4 kilo at karagdagang 21 pang sachet na tinatayang P12 milyon ang kabuuang halaga na kasalukuyang ipinasusuri sa PNP Crimelab.
Nabawi rin ang P4,000 at P1,000 marked money na ginamit sa operasyon.
Sasampahan ng kaukulang kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2002 o RA 9165 ang mga suspek na nasa custodial facility ng Olongapo PNP. (RAUL SUSCANO)