SEKRETONG malupit ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan niyang magalit para kumandirit ang mga pakaang-kaang na opisyal ng gobyerno.
Huwag na tayong lumayo ng eksampol. Ganyan ang nangyari sa pakaang-kaang na si Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello, at ang puro dakdak na si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief, Leo Hans Cacdac.
Sina Secretary Bello at OWWA chief Cacdac ang nakatalaga para mangasiwa sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at sa mga seafarers na nang umuwi sa ating bansa ay isinailalim muna sa kuwarantena.
Ang orihinal na usapan ay 14-araw kuwarentena lamang at isasailalim sa mga pagsusuri ang mga OFW na kakikitaan ng sintomas ng coronavirus (COVID-19).
Sa madaling sabi, mula sa Airport, kontodo salubong ang ginawa ng DOLE at OWWA sa mga tinaguriang bagong bayani ng lahing Filipino.
At mula roon ay inihatid sila sa mga quarantine facility na kinabibilangan ng iba’t ibang hotel sa Metro Manila.
Heto ngayon ang siste, buong akala ng mga OFW, mayroon silang pagkain at inumin sa kanilang pupuntahan pero kamukat-mukat mo totosgas pala sila para sa kanilang mga pagkain at inumin na napaka-komersiyal ng presyo dahil nasa hotel nga sila.
Mantakin ninyong ang bottled water na wala pang 500 ml ay P20 ang presyo?! E isang lagukan lang ‘yun. E ang pagkain pa nila.
Siyempre, ang mga unang umangal ay ‘yung limitado ang panggastos at ang naitatabing pera ay naipadala na sa pamilya na kagaya nila ay nasa ilalim din ng enhanced community quarantine (ECQ).
‘Yung may pang-budget naman, pinagtiisan at nagpakatipid-tipid para mairaos ang 14-day quarantine nila at umaasang pagkatapos no’n makauuwi na sila sa kanilang pamilya.
Pero isang maling akala dahil inabot sila nang mahigit isang buwan nang walang nangyaring testing at isang beses lang nilang nakita ang mga taga-OWWA. ‘Yun ay noong inihatid sila sa quarantine .
Kung saan-saan na sila nagreklamo at mismong ang inyong lingkod ay ilang beses nang ikinolum ang kanilang miserableng kalagayan pero nagtaingang kawali lang sina Bello at dakdak ‘este Cacdac.
Kung hind pa nagalit si Pangulong Digong malamang baka matapos muna ang ang moderate ECQ bago sila makauwi sa kanilang pamilya.
Kahapon, Martes, inaasahang nakauwi na sa kani-kanilang tahanan ang 1,693 OFWs lulan ng 10 chartered flights ng Philippine Airlines (PAL).
Paki-check lang poi tong mga bilang na ito kung nakauwi nga sa kani-kanilang tahanan: PR5861 MNL to CEBU, 144 pax; PR5859 MNL CEB, 240 pax;
PR5853 MNL CEB, 296 pax; 2P4981 MNL TAC, 153 pax;
2P4987 MNL TAC, 155 pax; 2P4141 MNL ILO, 130 pax ;
2P4143 MNL ILO, 156 pax; 2P4145 MNL ILO, 145 pax;
2P4135 MNL BCD, 156 pax; at 2P4137 MNL BCD, 118pax;
Pero 1,693 OFWs lang po ‘yan, mayroon pang natitirang 6,307 OFWs and seafarers na kailangan pang makauwi sa kani-kanilang pamilya.
Sana naman ay hindi lang press release ang pagpapauwi na ‘yan sa 1,693 OFWS, sana’y sumunod na agad ang kailangan pang pauwiin na 6,307 OFWs at seafarers.
Aksiyon, hindi dakdak at pakaang-kaang!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap