ISANG dalagita ang namatay, habang sugatan ang dalawang bata at isang senior citizen nang gumuho ang kanilang bahay sa tabing ilog sa Barangay Obrero Quezon City, nitong Lunes ng hapon.
Pawang isinugod sa kalapit na ospital ang mga biktimang hindi pa pinapangalanan, pawang natabunan ng kanilang bumigay na bahay sa ilog, ngunit isa sa kanila ang namatay.
Sa ‘sketchy report’ ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 2:00 pm, nitong 25 Mayo nang maganap ang insidente sa tabing ilog sa Rolling Road, Barangay Obrero nmg nasabing lungsod.
Sinabi ni Jopet Abando, Deputy Ex-o ng Barangay Obrero, kapitbahay ng biktima, bago ang insidente ay nakarinig siya ng tila sumabog na transformer at nang alamin ay nakita ang gumuhong bahay at bumagsak sa ilog.
Nabatid na nasa loob ng gumuhong bahay ang tatlong apo at kanilang lola.
“Sa tingin ko po mahina na ang pundasyon. Nabali po ‘yung pinaka-biga saka ‘yung poste. Sementado po ‘yung poste niya pero ang mga sahig ay kahoy,” ayon sa kapitbahay ng biktima.
Agad nagpalabas ng statement ang lokal na pamahalaan ng Quezon City, at sinabing kabilang ang pamilya sa mga dapat ire-relocate sa ilalim ng programa ng National Housing Authority, pero natigil ang koordinasyon dahil sa pandemyang COVID-19. (ALMAR DANGUILAN)