Thursday , December 26 2024

Manyanita

SA KULTURA ng bansang Mexico na nakaimpluwensiya rin nang husto sa Filipinas noong panahon ng Kastila, ang salitang manyanita ay tumutukoy sa padiriwang ng kaarawan ng isang tao o pista ng santo.

 

Ito ay kadalasang ipinagdiriwang pagkalipas ng hatinggabi o sa madaling araw sa pamamagitan ng pag-awit para gisingin ang may kaarawan.

 

Hindi tulad ng isang birthday party, ang manyanita ay simpleng pagdiriwang na kadalasa’y dinadaluhan ng mga kaanak lamang. Ito ay simpleng pamamaraan upang batiin ang may kaarawan at kantahan ng espesyal na awitin. Kalaunan ay naragdagan ang pagdiriwang ng pagkain ng cake at pamimigay ng regalo.

 

Kamakailan, naging kontrobersiyal ang salitang manyanita sa pagdiriwang ng kaarawan ni Major General Debold Sinas, hepe ng National Capital Region Police Office, na umani ng sandamakmak na batikos lalo sa social media.

 

Lumabas kasi rito ang mga larawan na kuha sa birthday party na dinaluhan ng higit sa 50 panauhin na nakitang umiinom ng alak nang dikit-dikit kahit umiiral ang liquor ban at maliwanag na binabalewala rin ang social distancing.

 

Ang katuwiran ni Sinas ay hindi naman daw party ang naganap kundi simpleng manyanita lamang. Matatawag bang simpleng manyanita ang naganap samantalang nag-iinuman ang 50 katao na hindi na inintindi ang social distancing?

 

Nakalimutan yata ni Sinas na ang buong mundo, hindi lamang ang Filipinas, ay kasaluyang dumaraan ng krisis na dulot ng pandemyang COVID-19.

 

Bukod dito, nasa gitna pa tayo ng quarantine na sumasakop sa milyon-milyong Pinoy, mayaman man o mahirap. Kabi-kabila ang hinuhuli ng mga bata ni Sinas na lumalabag sa quarantine.

 

Ngayon ay makikita ng mga tao na sila mismo na nagpapatupad ng batas ang lumalabag nito? Ano ba naman iyan? Ano ba kung magtiis man nang kaunti dahil panahon ng krisis? Huwag kalilimutan na ang mga opisyal ang tumatayong modelo na susundan ng mamamayan.

 

Maging sensitibo naman kayo sa damdamin ng iba. Alalahanin na ang karamihan ng mga tao ay halos mabaliw na dahil hindi makalabas ng bahay at walang makain. Tapos ay makikita nila kayo na bumabaha ang pagkain at inumin sa handaan?

 

At ang matindi pa ay nang alisin ni Sinas ang kanyang face mask para hipan ang cake. Kung may COVID-19 siya ay baka marami na siyang nahawahan sa pagkakataong iyon. Marami rin panauhin ang nakitang walang suot na face mask.

 

Magkaroon naman kayo ng kaunting kahihiyan. Hindi porke’t mga opisyal kayo ay wala na kayong pananagutan sa batas. At bilang mga opisyal, dapat ay mas mabigat ang parusa na ipapataw sa bawat isa sa inyo ngayong nasampahan na kayo ng kaso.

 

Alalahanin na walang hindi nasasaklaw ang batas. Ang lahat ay pantay-pantay.

 

*              *              *

 

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *