HUWAG ‘kanain’ ang ayuda para sa mahihirap.
Nagbabala kahapon si Presidential Spokesman Harry Roque na aarestohin ng mga pulis at ikukulong sa quarantine facilities ang mga opisyal ng barangay na magnanakaw sa mga ayuda ng pamahalaan para sa mga maralita.
“Kinakailangang ikulong sila nang maturuan ng leksiyon na huwag pong ‘kanain’ ang ayuda na nakalaan para sa pinakamahihirap sa ating lipunan,” aniya sa virtual press briefer kahapon.
Inatasan aniya ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para imbestigahan ang mga lokal na opisyal na nagnanakaw ng mga pinansiyal na ayuda para sa mahihirap.
“Nagkaroon na po ng pag-uutos sa CIDG. Sila na po ang itinalaga para tumanggap ng mga reklamong gaya dito. So, pumunta po kayo sa CIDG at huhulihin po natin iyang mga opisyales na iyan,” sabi ni Roque.
Nag-alok kamakailan ng P30,000 pabuya si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinomang magsusumbong ng korupsiyon ng kanilang lokal na opisyal.
Ilang beses na rin nagbanta ang Pangulo sa mga opisyal ng barangay ngunit tila walang natatakot at patuloy pa rin ang mga reklamo ng katiwalian sa pamamahagi ng ayudang pinansiyal sa mga maralita. (ROSE NOVENARIO)