MARAMI nang naipaabot na reklamo sa inyong lingkod kaugnay ng mga iregularidad mula sa pagpili ng bibigyan hanggang sa pamamahagi ng mismong ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Remember: cold cash po ang natatanggap ng local government units (LGUs) para ipamahagi sa mga bibigyan ng ayuda.
Hindi po ito gaya sa mga driver na pumila sa Landbank para makuha ang ayuda ng pamahalaan.
Ganito po ang ilang sumbong ng ating mga kababayan.
Una, sa application pa lang ay nababara na ang mga kababayan natin lalo na kung hindi mahusay ang nag-e-evaluate ng mga aplikante.
Papipirmahin sa isang application form ang target beneficiaries tapos sasabihin ng kinatawan ng barangay — “Sasabihin po namin sa inyo kapag naaprub kayo.”
Pero sa totoo lang, pagdating umano ng aplikasyon sa barangay, muli pa itong sasalain. Siyempre bahagi pa rin iyon ng tungkulin ng mga taga-barangay.
At doon nagkakaroon ng hokus-pokus, nalalaglag ang mga ‘hindi kursunada.’
Kung hindi tayo nagkakamali, ang aplikasyon na ipapasa sa Department of Social Work and Development (DSWD) ay may rekomendasyon ng barangay.
Kasi, paanong mag-aaproba ang DSWD nang walang rekomendasyon mula sa barangay, e sila ang nakakikilala sa mga tao.
Kaya roon sa ikinakatuwiran ng barangay na DSWD ang nagpasya ng pagkakalooban ng SAP, doon palang ramdam na natin ang defense mechanism ng mga may ‘guilt feelings.’
O ‘di ba naman?!
Sa totoo lang, dahil sa haba ng enhanced community quarantine (ECQ) kahit po ‘yung mga pinakakuripot mag-budget, malamang nadukot at nailabas na ‘yung itinago sa ‘lilip ng kanilang mga saya.’
Alam po ba ninyo ‘yun?
Mayroon pong mga lola noong araw na mayroong itinatabing mga saya o bestida. May panahon na ginagamit nila ito, pero hindi-hindi nila pinalalabhan. Alam po ba ninyo kung bakit? Nasa lilip o laylayan ng kanilang saya ang itinatabi nilang pera. Puro bills (o perang papel) poi yon.
Malamang kung mayroon pang ganoong mga lola ngayon, tiyak natastas na ang lilip sa laylayan ng saya o bestida.
Kaya hindi puwedeng maging basehan sa pagbibigay ng ayuda ‘yung may maayos na bahay, malinis ang bahay, medyo may magarbong display kunwari, may TV, may electric fan, may ref, baka may desktop computer pa.
May cellphone pa ang bawat miyembro ng pamilya pero walang load kasi nga “no work no pay” sila.
At baka isa-isang maidispatsa kasi nga hindi pa nangyayari ang ‘new nornal’ o ang general community quarantine (GCQ) ‘e said na said o hurot na hurot na ang mga naisubing barya-barya.
Ngayon, kailangan bang ang katangian para pumasa sa ayudang SAP ng pamahalaan e hilahod na hilahod at limahid na limahid para isama sa SAP?!
Pero ang higit na ikinagugulat natin sa mga natatanggap nating reklamo, sa laki ng P200 bilyones na inilaan diyan ni Pangulong Rodrigo Duterte, bakit lahat ng nakausap namin sa iba’t ibang komunidad sa Parañaque, Las Piñas, Pasay, Maynila, Cavite, Quezon City, San Jose del Monte, at Taguig ay hindi sila aprub sa SAP?!
Ang alam daw nila, 200 families lang bawat barangay at mayroon pa ngang lungsod na 800 families lang daw ang bibigyan?!
OMG!
Sonabagan!
Kahit kuwentahin pa ninyo sa P8,000 kada pamilya e hindi aabot ‘yang 800 pamilya ng P10 milyones. P6.4 milyones ang kuwentada diyan. Bakit?
Saan napunta ‘yung ibang budget sa SAP?! Bakit pinipilit na ilang pamilya lang, gayong multi-bilyones ang budget diyan?!
Nakalulungkot na sa kabila ng takot at gutom na lumulupig sa ating mga kababayan dahil sa ‘iskemang ECQ’ laban sa pandemyang COVID-19 e mayroon pang mga ‘gahaman’ na imbes kompletohin ang tulong ay kinukupitan pa?!
Mga hidhid!
At heto pa ang pinakatuso sa dilang mga tuso. Alam ba ninyong mayroong ilang tao ng mga politiko ang nag-iipon ng datos tungkol sa mga iregularidad sa SAP?!
Hindi klaro kung ano ang layunin pero huwag po nating kalimutan na malapit na ang 2022 elections.
Ooops… magkaroon nga kaya ng eleksiyon sa 2022?
Anyway, malayo pa nga sana ang eleksiyon sa 2022 pero mayroon ng mga nagtatrabaho para rito, naniniguro sa pagpapalit ng ‘guwardiya’ sa Palasyo.
Hoy, ayusin muna ninyo ‘yang SAP. Ibuhos ninyo ang budget sa lahat.
Sabi nga ng mga tinatawag ninyong middle class dahil regular ang kanilang trabaho — walang mahirap, walang middle class ngayon — lahat tayo nangangailangan ng tulong.
Kaya huwag tsaniin ang ayudang tiyak na babayaran rin naman ng taxpayers money, kaya dapat na makinabang rin diyan ang mga nagbabayad ng buwis.
LGUs huwag ninyo tsaniin, ilarga ninyo ang budget ng SAP para mas marami ang makinabang.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap