HANGGA’T hindi pa rin nasasawata ang hindi nakikitang kaaway ng sanlibutan, hindi rin naman tumitigil ang may mabubuting puso sa pag-ayuda, hindi lang sa ating frontliners kundi sa kanyang kapwa nangangailangan ng tulong.
Walang oras para magpahinga para sa Konsehal ng Parañaque na si Jomari Yllana.
Ang aktor na Konsehal ay namahagi ng bigas sa walong barangay sa Unang Distrito ng Lungsod ng Parañaque.
Simula pa lang ng Community Quarantine sa kanyang lungsod ay araw-araw nang naghahatid ng tulong ito sa pamamagitan ng pagpapadala ng foodpacks (lunch & dinner) para mga medical frontliner.
Ganoon din ang pagpapadala ng kaunting ayuda sa mga Task-Force Volunteers sa iba’t ibang lugar sa unang distrito ng lungsod.
“Mula naman kahapon ay nagpadala tayo ng 55 sako ng bigas at 10 disinfection sprayer na pinaghati-hati sa walong mga barangay bilang tulong at karagdagang ayuda sa ating mga kababayan,” ani Jom.
Hindi tumitigil ang serbisyo ni Jomari. Basta siya at mga kasama ay patuloy pa rin sa kanyang paglilingkod sa lungsod. At may pangakong sisikaping magpaabot ng serbisyo sa abot ng kanyang makakaya.
HARD TALK!
ni Pilar Mateo