NAGSIMULA na ring maghatid ng tulong ang kampanyang Pantawid ng Pag-ibig ng ABS-CBN sa mga malalapit na probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal ngayong linggo para sa ating mga kababayang lubos na naapektuhan ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon.
Ibinahagi ng Kapamilya news anchor na si Bernadette Sembrano-Aguinaldo ang magandang balitang ito noong Abril 7 sa TV Patrol, na patuloy na nagdadala ng pinakabagong balita at impormasyon sa mga Filipino ukol sa Covid-19.
Simula nang inilunsad ang Pantawid ng Pag-ibig noong Marso 19, nakaikot na ang ABS-CBN sa 17 lungsod at bayan sa Metro Manila para maghatid ng mga pagkain at pangangailangan sa araw-araw na siya namang ihahanda at ipamamahagi sa mga pamilyang nangangailangan sa pangunguna ng mga local government unit (LGU).
Nakapagdala na ang ABS-CBN ng mga produkto tulad ng bigas, delata, noodles, biskwit, gatas, kape, shampoo, sabon, detergent, at bitamina sa Caloocan, Las Pinas, Malabon, Makati, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Paranaque, Pasay, Pasig, Pateros, Quezon City, San Juan, Taguig, at Valenzuela.
Noong Abril 7, umabot na sa P324.5-M ang nakalap na donasyon ng Pantawid ng Pag-ibig. Mula rito, P265.7-M ang nagamit na sa pagbili ng mga produkto. Sa ngayon, P134-M halaga ng produkto na ang naipasa sa mga LGU upang ipamahagi sa kanilang nasasakupan.
Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa tiwala at suporta ng mga Kapamilya na patuloy na nagmamalasakit sa kapwa Filipino lalo na sa panahong ito. Pinasasalamatan din ng network ang pakikiisa ng LGUs, Armed Forces of the Philippines, at mga pribadong kompanya na katuwang sa pagtulong sa mga Filipinong nawalan ng hanapbuhay at hirap kumita habang sumusunod sa bilin ng gobyernong manatili sa loob ng bahay upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19.
Bukod sa Pantawid ng Pag-ibig, nakapaghatid na rin ng tulong ang ABS-CBN sa 57 ospital na nangangailangan ng mga kagamitang medikal at pamproteksiyon sa kanilang patuloy na pagkalinga sa mga nagkakasakit.
Sa mga gusto tumulong, magdeposito lang sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.-Sagip Kapamilya bank accounts: BPI peso account 3051-11-55-88, Metrobank peso account 636-3-636-08808-1, PNB peso account 1263-7000-4128, BDO peso account 0039301-14199, at BDO dollar account 1039300-81622. Maaari ring magpadala ng donasyon sa pamamagitan ng Cebuana Lhuillier, PayPal, Pass it Forward, at GCash.