HALOS mapaiyak si Congresswoman Vilma Santos sa balitang isang sanggol ang pumanaw sa isang ospital sa Lipa dahil sa Covid-19. Nalaman ang resulta na positibo ang bata sa Covid19, apat na araw matapos na ang sanggol ay pumanaw na. Kung mabilis na nalamang Covid19 na nga ang sakit ng sanggol, sana ay nagawa ang lahat ng tamang aksiyon para sa kanya.
Kaya nasabi nga ni Ate Vi na sa ngayon naniniwala siyang iyan ang dapat na tutukan nang husto, ang mga kakulangan sa mga ospital. Sa tulong ng mga kaibigan din niya, nakabili sila ng isang Monal T60 Ventilator mula sa France, na ginagamit na ngayon sa ospital sa Lipa. Nagkakahalaga iyon ng P1.2-M. Pero sinasabi nga ni Ate Vi, kulang iyon. Paano nga naman kung dumami pa ang may sakit na kailangang gumamit ng ventilators, kaya naghahanap pa siya ng ibang donors.
Noon ding panahon na endorser pa siya ng isang drug company, ang mas malaking bahagi ng kanyang talent fee ay mga gamot, na ipinamamahagi sa lahat ng mga government hospitals at health centers noon sa Batangas. Sinasabi nga niya, maganda naman ang takbo ng relief operations sa kanilang bayan, kaya ang haharapin muna niya ay ang pangangailangan sa mga ospital.
HATAWAN
ni Ed de Leon