Friday , January 3 2025

Walang trabaho, walang suweldo?

KUMUSTA?

Noong Marso 10, nagpugay sina Pambansang Alagad ng Sining Amelia Lapeña Bonifacio, kasama sina Dr. Gemino Abad, Dr. Romulo Baquiran, Dr. Jose Dalisay, Dr. Vladimeir Gonzales, Dr. Ramon Guillermo, Prof. Loujaye Sonido, Dr. Roland Tolentino, at ang inyong abang lingkod kay Chancellor Fidel Nemenzo ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Likhaan o U.P. Institute of Creative Writing lamang dapat ang pag-uusapan.

Pero hindi maiwasang mauwi sa coronavirus disease (COVID-19) ang courtesy call.

Tinalakay ang pagbabawal sa mga lokal at internasyonal na paglalakbay, ang pagkaklase nang online; at ang kanselasyon ng malalaking gawain gaya ng U.P. National Writers Workshop.

Mabilis ang aming pagbisita.

Subalit, ang tumatak sa akin ay ang malasakit niya sa mga manggagawa.

Lalo na ang mga Job Orders/Contract of Service (JO/COS).

Kinabukasan, nakatanggap kaming taga-Diliman sa kaniya ng paliwanag na ang kawalan ng pasok ay bahagi ng rekomendasyon ng Department of Health (DOH) na ipatupad ang “social distancing.”

Aniya, noon pang Enero ng taong ito mino-monitor ang sitwasyon ng kampus sa pagbibigay ng testing sa mga PUI o person under investigation.

Sa tulong ito ng University Health Service (UHS) — na humingi rin ng tulong noong Marso 16 sa anyo ng Personnel Protection Equipment (PPE) tulad ng surgical glove, surgical gown, face mask, at alcohol.

Bumuo na ang U.P. Diliman ng COVID-19 Task Force na mangangasiwa ng lahat ng kasong may kinalaman sa sakit na ito.

Kinonsulta din ang Philippine General Hospital (PGH) na mas higit pang nangangailangan ngayong sila ay nasa “line of fire.”

Alam ba ninyong ang PGH pala ay kapos sa PPE, kulang sa tauhan at suplay, at wala ring isolation room?

Triple ang oras sa trabaho ng mga nars, ayon sa Philippine Nurses Association (PNA), at iba pang health personnel sa dami ng mga pasyente.

Nangako naman ang Philippine Health Insurance (PhilHealth) na isasali na nila ang COVID-19 testing sa insurance pero “dahil hindi pa rin daw ito operational” kaya pasyente muna ang gagastos.

Kaya, umusbong uli ang isyu ng badyet.

Sa taong ito, tumatanggap ang PGH ng P2.7 bilyong alokasyon mula sa pambansang badyet na P4.1 trilyon.

Oras na para ibigay na ang ibinawas na 31% o P1.24 bilyon mula sa panukalang badyet para sa 2020 na P4.02 bilyon, pati ang P100.26 milyon na pambili sana ng suplay at iba pang kailangan sa laboratoryo.

Ngayon pa namang nadaragdagan ang 153 PUI sa bansa at may 47 sa National Capital Region.

Doon at noon ko naalala sa panawagan ng Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (COURAGE) sa seguridad na pangkalusugan at pang-ekonomiya ng mga manggagawa.

Kahit sana sa hindi lamang naglilingkod sa gobyerno.

Mabuti at may Bella Padillang kumakalinga sa mga vendor.

Noong 2019, ayon sa Civil Service Commission (CSC), sa buong Filipinas, higit sa 600,000 ang mga manggagawang JO/COS na mababa ang sahod at walang benepisyo.

Ano nga ba ang ginagawa para sa kanila?

O para sa amin?

Dahil ako mismo ay isa sa 1.5 milyong regular na kawani.

Ipinaalala nga pala sa akin ng U.P. Human Resource Development Office na ako si Employee Number 0142035872 — na nag-umpisa bilang University Research Associate 1 noong 1994 sa Sentro ng Wikang Filipino at, pagkalipas ng 20 taon, naging Professor 3 noong 2014 hanggang sa kasalukuyan.

Kung susumahin, nagsisilbi na ako sa pamahalaan sa loob ng 25 taon.

Kabilang na rito ang secondment ko sa Philippine High School for the Arts (PHSA) mulang 2013 hanggang 2019.

Halos kalahati ng buhay ko, sa edad ng 56, ay maituturing akong taong-gobyerno!

Wala naman akong pagsisisi.

O pagdadalawang-isip.

Ang iniisip ko lamang din naman ay ang kapakanan ng mga di-pinalad maging permanente.

Ngayong pa namang panahon ng peste.

O, anang Bibliya, pestilencia?

Noong Marso 14, may magandang mungkahi si Sec. Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ani Año: “Kung puwede magamit na sana ang 13th month pay pambayad na dito sa isang buwan na hindi makakapagtrabaho.”

Sumulat ang COURAGE ng bukás na liham para kina Kgg. Wendell Avisado ng Department of Budget and Management (DBM) at Kgg. Alicia Bala ng CSC noong Marso 16.

Ilan sa rekomendasyon nila sa Memorandum Circular (MC) No.5 S. 2020 at Memorandum Circular (MC) No. 7, S. 2020 ay ang mga sumusunod:

Una, bigyan ang mga manggagawang JO/COS  at ang kanilang pamilya ng 14 na araw na “health break” nang may bayad o magpagamot nang bayad kahit lumiban upang magpagamot hindi lamang ng sarili kundi ng kanilang pamilya.

Ikalawa, bigyan ang mga empleyado ng gobyerno ng dagdag na 14 na araw sa “special leave” upang magpagamot hindi lamang ng sarili ng kanilang pamilya.

Ikatlo, isama sa MC na ito ang mga manggagawang JO/COS at volunteer.

Mahalagang konsultahin ng pamunuan ng mga ahensiya ng pamahalaan ang mga manggagawa, paalala ng COURAGE, lalo ang mga kinakatawan ng mga unyon, sapagkat ito ay usapin hindi lamang ng kalusugan kundi ng kabuhayan.

Bilang bahagi ng pamayanan, ang mga manggagawa ay napapahalagahan sa kanilang pakikilahok at pakikipagbayanihan sa pagharap sa ganitong uri ng krisis.

O katharsis.

Kahapon, pinananatili tayo sa ating tahanan.

Tayong 57 milyong Filipinong nasa walong rehiyon.

Ito raw ang “Enhanced Community Quarantine.”

Hanggang Abril ito.

Suspendido ang pampublikong sasakyan.

Nananawagan ang ilang ospital para sa mga “volunteer transporter.”

Sa kalsada, ang makikita ay ang mga unipormadong sundalo’t pulis na mistulang naka-full battle gear.

Kung baga, parang nasa loob at labas ng pagamutan ang digmaan.

Wala tayong magagawa kundi makipag­tulungan.

Huwag na tayong dumagdag sa kompir­madong kaso sa Filipinas — na tumaas mulang anim hanggang 140 sa loob ng isang linggo lamang — na humantong sa 12 pagkamatay.

Siyanga pala, may memo na si Chancellor Nemenzo para makuha na ang suweldo ng mga regular na empleyado.

At pinayagan niyang kunin ang pambayad sa “non-UP contractual personnel” mula sa Central Administration Funds o Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE)  o Trust Accounts ng bawat yunit.

Samantala, habang sa bahay, kumusta naman kaya ang ating lusog-isip?

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *