MAG-INGAT sa virus na ipinakakalat ni Senate President Vicente “Tito Sen” Sotto III.
Siguro’y nasanay sa paggawa ng mga fantasy movie si Tito Sen kaya medyo lumikot ang kanyang pag-iisip nang mapanood ang isang video sa social media na ang 2019 novel coronavirus ay gawa ng United States at UK bilang biochemical warfare laban sa Asian Giant na China.
Siyempre, dahil sa sitwasyon ng mundo ngayon, ang mga ganyang pagpapakalat sa social media ay parang gatilyo ng baril na kapag may nakasaling ay talaga namang magpapakawala ng ‘mainit na bala’ ng sandamkmak na haka-haka at conspiracy theories.
Hindi naman natin masisi ang iba nating kababayan kung may ganyang pag-iisip. Lalo na ‘yung mga ordinaryong tao na sumasambot din ng haka-haka sa social media.
Pero kung isang Senate President ang nag-iisip at nagpapakalat ng mga ganyang ideya, ay wattafak, para siyang may sapak!
Hindi man lang ba naisip ni Tito Sen na siya ay isang awtoridad na anoman ang kanyang sabihin ay maaaring paniwalaan lalo ng mga bumibilib sa kanya?!
Okey lang naman mag-entertain ng ganyag video pero sana hinanapan muna ng matinong atribusyon o source ni Tito Sen.
‘E ang lumalabas lahat ng link ng nasabing video at maging ‘yung mga nag-share ay mga kaduda-dudang website at laging pinagmumulan ng mga mali at malisyosong balita at impormasyon.
Mr. Senate President Sir, ang dami nang nagpa-panic na tao sa buong mundo dahil hindi naipapaliwanag nang maayos kung ano ang coronavirus, puwede bang huwag na ninyong dagdagan?!
Hindi po kayo naglalaro riyan sa hearing sa Senado na kahit tsismis o kenkoyan lang ‘e puwede ninyong pag-usapan nang wala man lang mga basehan.
Wangak ang sambayanang Filipino diyan, kapag ganyan nang ganyan ka Tito Sen.
Hindi naman siguro masamang, magbasa-basa rin Tito Sen. Aral, aral din kapag may time.
Sa rami ng consultants mo, hindi ka ba puwedeng kumuha ng IT experts na ang trabaho ay mag-check ng mga website ng mga binasa mo?!
Jingle Songhits na lang kaya ang pag-usapan ninyo sa Senado, tiyak valedictorian ka riyan.
Hik hik hik.
Ingat-ingat po sa kumakalat na Tito Sen’s ‘fake news’ virus.
Ay sus!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap