Sunday , December 22 2024

Mabuhay!

BAGONG taon na naman.

Panahon muli ng mga resolusyon.

At traslacion.

Oras na ng mga pansariling batas na napipintong labagin.

Ayon sa www.top10richest.com, ang mga sumusunod daw ang nangungunang 10 pangarap na ibig matupad sa buong daigdig para sa 2018:

Ikasampu ang asintahing mabuti ang target.

Ikasiyam ang galugarin pa ang iba-ibang bagay at iba’t ibang lugar.

Ikawalo ang tiyakin ang mahimbing na tulog.

Ikapito ang mag-impok.

Ikaanim ang itigil ang pagpapabukas.

Ikalima ang iisantabi na ang social media.

Ikaapat ang ibuhos ang oras para sa sarili.

Ikatlo ang tuklasin ang anumang bago araw-araw.

Ikalawa ang tuldukan na ang paghitit at paglalasing.

At pinakauna ang tama at regular na ehersisyo.

Kung pagtutuunan ng pansin ang unang tatlo, kung hindi man ang karamihan, ang mga ito ay tungo sa landas ng imortalidad.

Bakit nga ba gusto nating mabuhay?

Bakit nga ba gusto pa nating mabuhay nang matagal?

Sa ngayon, na kaliwa’t kanan ang pagpa­patiwakal — at sunod-sunod ang inaatake sa puso sa bukana pa lamang ng taon — uso pa ba ang pagtanda?

Oo naman.

Katunayan, may isang isla sa Sardinia na may anim na beses ang dami ng umaabot sa 100 anyos kaysa buong Italya na sumasakop dito at 10 beses ang dami kaysa Hilagang Amerika.

Ito raw lamang ang sulok ng mundo na ang kalalakihan ay nabubuhay nang kasinghaba ng kababaihan.

Pinabulaanan nito ang artikulong inilabas ng Lancet na nagsasabing ang mga lalaki na galing sa mayayamang bansa ay mas mauunang mamatay kaysa mga babae.

Sa kahit na anong edad.

Dahil dito, pinag-aralan ang mga taga-Sardinia ni Susan Pinker, isang sikologong taga-Canada na awtor ng The Sexual Paradox na nagwagi ng William James Book Award (2010) at The Village Effect (2014) na tinaguriang “Apple nonfiction best pick.”

Natanto niya na ang haba ng buhay ay nakasalalay di lamang sa ating minana o genes (25%) kundi sa ating pamumuhay o lifestyle (75%).

Sinusugan ito ni Julianne Holt-Lunstad, isang mananaliksik sa Brigham Young University na pinag-aralan ang mga nasa kung tawagin ni Jose Lacaba na “Edad Medya” at, sa loob ng pitong taon ng pagsubaybay sa kanila, napatunayan nila na hindi lamang pala ito ang mga sekreto.

Hindi lamang pala ito dahil sa sariwang hangin.

Hindi lamang pala kung may altapresyon ka o wala.

Hindi lamang pala kesyo tabatsoy ka o payatot.

Hindi lamang pala nakukuha ito sa pagbabanat ng buto o pagpapatulo ng pawis.

Hindi lamang pala sa pagpa-rehab ng puso mo.

Hindi lamang pala nakukuha ito sa Dengvaxia at iba pang bakuna.

Hindi lamang pala sa pagpreno sa sigarilyo.

At hindi lamang pala sa pagsuko sa pagkalango.

Dalawa ang dahilan.

Diumano, ang mga ito ang nagpapahaba sa ating buhay.

Kung baga, sila ang ating salbabida!

Una, ang pakikipag-ugnayan. (May mga tao ka bang masasandalan o masasandigan? Mayroon ka bang mga mauutangan, kung kailangan? Mayroon ka bang mga mapag­hihingahan ng sama ng loob? Mayroon ka bang sasagot kapag tinanong mo sila kung sino ka nga ba talaga?)

At huli, ang pakikipagkapuwatao. (Gaano ka ba kalapit sa stewardess na kasabay mo lagi sa elevator? Kumusta na ba ang apo ni Manang Sianang na may autism? Bakit kaya mas malaki ang kita ng tsuper ng Dollar kaysa Uber o Grab? Para sa mga jaguar at janitor, sino nga ba ang GOAT o Greatest Of All Time: si Jordan ba o si James? Napanood na ba ni Pangga ang bagong vlog na #BitoyStory? Teka, ibinibigay mo ba ang password ng wifi mo sa iyong kapitbahay?)

May paliwanag ditong siyentipiko.

Ang harap-harapang pakikiniig ay nagpapa­baha ng neurotransmitter na nagtatanggol sa atin. Nilalabasan tayo ng oxytocin tuwing tayo ay nakikipag-apir  o nakikipag-beso-beso kaya tumataas ang ating pagtitiwala. Nagpapababa rin ito ng cortisol kaya hindi tayo nai-stress. Dumarating din ang dopamine, na daig pa ang natural na morphine, kaya pinupuksa ng pakiki­pagkamay, halimbawa, ang lungkot at pinapatay nito ang sakit at pasakit.

Kaya tayo hindi lamang masaya.

Tayo ay maligaya.

Ano’t ano man, ang lahat ng ito ay patotoo lamang sa pagpapahalaga ni Virgilio Enriquez sa ating kapuwa.

Sa ganang-kaniya, ito ang lunduyan ng Sikolohiyang Pilipino na siya ang ama.

Mas mauunawaan natin ang ating sarili sa ating pakikisama sa ibang tao.

Kung susuriin natin kung paano makipagkapuwa ang isang tao, doon din natin matutuklasan ang kaniyang panlipunang sikolohiya.

At  pananaw sa mundo.

Ganitong interaksiyon ang ginto sa bawat Filipino.

Dito masasalamin ang tuon ng pansin ng mga pangunahing konsepto ng pagkatao sa Filipinas.

Aniya, mababasa sa wika, ang antas ng pakikipagkapuwa ng isang tao.

Kung hindi ka mahusay makipagkapuwatao, ikaw ay ibang-tao.

Pero, hindi ka ibang-tao, kung ikaw ay marunong sa mga sumusunod: (1) pakikitungo o level of amenity o civility; (2) pakikisalamuha o level of mixing; (3) pakikilahok o level of joining o participating; (4) pakikibagay o level of conforming; (5) pakikisama o level of adjusting; (6) pakikipagpalagayang-loob o level of mutual trust o rapport; (7) pakikisangkot o level of getting involved; at (8) pakikiisa o level of fusion, oneness, o full trust.

Kapuwa lamang ang kaisa-isang konsep­tong yumayakap pareho sa kategorya ng ibang-tao o outsider at hindi-ibang-tao o one of us.

Kaya, makipagkapuwa.

At mabuhay!

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *