BUKAS ay ipagdiriwang na ng buong mundo ang bisperas ng pagsilang ni Jesus…
At isang linggo pagkatapos niyon, mamamaalam na ang 2019 para salubungin ng sangkatauhan ang 2020 habang unti-unting papasok ang Year of the Rat batay sa pagdiriwang ng mga Chinese alinsunod sa kanilang Zodiac.
Pero bago ang pagsalubong sa Chinese new year, ipagdiriwang ng sambayanang Katoliko ang pista ng Mahal na Poong Nazareno (Black Nazarene).
Ganyan po karami ang pagdiriwang ng mga Filipino sa mga susunod na araw.
Sabi nga, iba ang Pasko sa Filipinas.
Anyway, nais po naming ianunsiyo na ang susunod na isyu ng HATAW Diyaryo ng Bayan ay sa 30 Disyembre at babalik ang normal na operasyon sa 6 Enero 2020.
Maraming salamat po sa patuloy na pagtitiwala at pagtangkilik sa aming pahayagan.
Kita-kits po next year!
Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon sa inyong lahat!
CAYETANO
WAGING-WAGI
SA PULSE
ASIA SURVEY
SUMAMBULAT na parang isang engrandeng fireworks display ang pagtaas ng approval at trust ratings ni Speaker Alan Cayetano sa Pulse Asia Suvey na isinagawa nitong 3-8 Disyembre 2019.
Mantakin naman ninyo, sumirit hanggang 16% ang approval rating ng Speaker at 14% ang itinalon pataas ng kanyang trust rating. Kahit naitala na ni Alan ang 64% approval rating at 62% trust rating noong Setyembre sa Pulse Asia din na pinakamataas na nakuha ng isang Speaker of the House sa kasaysayan ng kongreso, aba’y lalo pa itong lomobo ngayong Pasko.
Alam naman natin na hindi gaanong kagandahan ang survey ratings ng lider ng kamara sa nagdaang mga panahon. Pinakamataas na dati ang 40% na ratings.
Si Cayetano ang nakapagtala ng pinakamataas na pagtaas ng approval at trust rating ngayong Disyembre sa lahat ng apat na pinakamataas na opisyal ng bansa kabilang rito si Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Leni Robredo, at Senate President Tito Sotto.
Bumaba rin ng 11% mula sa 29% hanggang 18% ang ‘undecided’ para kay Cayetano.
Batay sa data ng Pulse Asia, parehong 12% ang itinaas ng approval rating ni Sotto at pareho ring 9% ang itinaas ng trust at approval rating ng pangulo. Walong porsiyento ang itinaas ng approval rating ni VP Leni at 7% ang itinaas ng kanyang trust rating. So, para na ring overall champion si Cayetano.
Kaya naman, todo-todo ang pasasalamat ni Cayetano sa mga kasapi ng kongreso at mga empleyado nito sa sigasig at determinasyon na matalakay at maipasa ang mga panukalang batas lalo ang priority measures ng Duterte administration.
Alam n’yo ba sa tala ng Rules Committee ng kamara, umabot sa 900 panukala ang iprinoseso ng mga kongresista mula buwan ng Hulyo hanggang ngayong Pasko sa ilalim ng pamunuan ni Cayetano.
Ayon kay Majority Floor Leader Chairman Martin Romualdez, ito ay katumbas ng 28 panukala kada araw sa loob ng 32 araw na sesyon ng kamara. Dalawa na rin ang ganap na naging batas: ang pagtatatag ng Malasakit Centers at ang pagpapaliban sa barangay elections.
Lalagdaan na rin ng pangulo ang 2020 General Appropriations, ang Sin Taxes at ang Salary Standardization na naglalayong dagdagan ang sahod ng mga manggagawa sa gobyerno. Nasa 93 ang mga panukala na pinagtibay ng kamara sa 3rd o final reading. Kabilang na rito ang pagpapababa sa optional retirement ng mga kawani ng pamahalaan mula 60 pababa sa 56 anyos.
Waging-wagi ang Speaker of the House. Parang SEA Games lang ang peg. Champion, ‘ika nga. Paano ba ‘yan mga kabayan, nganga na naman ang mga pumuna at bumatikos kay Cayetano lalo na noong SEA Games.
Sabi nga… better luck next.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap