“ISA si Kuya Coco (Martin) sa pinakamabait na taong nakilala ko,” panimula ni Rhed Bustamante nang makausap namin ito pagkatapos ng presscon ng Sunod, isa sa walong entry sa Metro Manila Film Festival 2019 handog ng Ten17 at Globe Studios.
Kung ating matatandaan, si Coco ang nagbigay-pag-asa o muling nagbigay pagkakataon kay Rhed para muling magkaroon ng project sa showbiz at ito nga ay sa action-serye, FPJ’s Ang Probinsyano. Mag-iisang taon na si Rhed sa FPJAP.
Sinabi pa ni Rhed na bukod sa pagiging matulungin, magaling ding aktor at propesyonal si Coco.
“Kapag joke time, joke time pero kapag nasa set na, kailangan propesyonal ka,” ani Rhed.
Pinapayuhan din si Rhed ni Coco tulad ng, “humble ka lang lagi. Kasi hindi raw natin kailangang magmayabang kahit may maipagmamayabang na.”
Ikinokonsidera ring malaking blessings ni Rhed si Coco sa buhay niya. “Noong nawala po kasi ako sa showbiz, siya ang unang taong tumulong talaga sa akin.
“Hindi rin lang ako ang tinutulungan niya, marami po kami. Gusto niya rin maibalik ang ibang artistang nawala.”
Nag-aaral pa rin si Rhed ngayon na hay-iskul na sa APEC at iskolar siya ni Kim Atienza. Hindi naman siya nahihirapan sa iskedyul dahil binibigyan niya ng oras din ang pag-aaral.
Sq kabilang banda, iginiit ni Rhed na masaya sila tuwing Pasko kahit pa may problema sila. “Lagi kaming masaya. Never kaming nagkakahiwala-hiwalay, lagi po talaga kaming magkakasama kahiy may problema,” giit pa ni Rhed.
Sa kabilang banda, inamin ni Rhed na natakot siya na baka hindi na makabalik ng showbiz. “Siyempre natakot po ako talaga. Pero ngayon andito na naman po ako,” sambit pa ni Rhed.
Ibinabanko ni Rhed ang kinikita niya at isinusuporta sa pag-aaral ng iba pa niyang kapatid. “Hindi po kami nahinto kahit noong naghikahos kami. Talagang iginagapang po ang pag-aaral namin,” sambit pa ng dalagita.
Wish ni Rhed na magkaroon ng sariling bahay. “Sa ngayon hindi pa posible, kaunting push pa.”
Enjoy naman sa paggawa ng horro movie si Rhed. Pagkatapos nga ng Seklusyon na MMFF entry din, ito namang Sunod ang kasama siya na pinagbibidahan ni Carmina Villaroel at idinirehe ni Carlo Ledesma.
“Pinaka-favorite na genre ko na nga po ang horror,” nangingiting sambit pa ni Rhed. “Hindi naman sa nadadalian, pero mahirap din po ng kaunti. Pero kapag masaya po ako sa ginagawa ko nagiging madali po siya.”
Hindi naman siya natatakot dahil madalas siya ang nananakot sa pelikula.
Hindi rin siya nagpapagpag kapag gumagawa ng horror movies tulad ng sinasabi ng iba na tila may sumasamang ibang elemento kapag gumagawa sila ng horror movie.
“Hindi po kasi ako naniniwala kaya siguro ganoon,” susog ng batang aktres na gaganap ba multo sa Sunod.
“Nawawala rin (bad elements) po siguro sila kasi may mga dog po ako. Siyempre ‘pag nakikita ko sila, nag-iiba na ang mood, nawawala na ‘yung karakter na ginampanan ko.”
Kasama rin sa Sunod movie sina Mylene Dizon, Freddie Webb, Susan Africa, Kate Alejandrino, Krystal Brimmer, at JC Santos.
Ang Sunod ay directorial debut ni Ledesma na co-writer sa Saving Sally, 2016 MMFF entry at direktor ng 2007 Cannes Film Festival Mini Movie Channel for Best Short Film, ang The Haircut.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio