NAGKAROON ng press screening ang Kings Of Reality Shows nitong November 15 sa UP Film Center at bago nagsimula ang pagpapalabas ng pelikula ay nakausap namin ang isa sa dalawang bida ng reality movie na si Ariel Villasanta.
“Kinakabahan ako eh, na excited, halo-halo,” ang umpisang bulalas ni Ariel.
“Kasi sana magustuhan n’yo. Sana magustuhan n’yo at basta’t ako, kung ano’t- anuman ang mangyari sa pelikulang ‘to eh masaya na ako kasi ‘yung art na ‘to, medyo kakaiba kasi ang comedy nito, eh.
“At for the first time in Philippine cinema may pumayag na Presidenteng sumama rito.”
Nasa pelikula si Pangulong Rodrigo Duterte in a cameo appearance.
“Hindi biro ho ‘yun!
“Kaya talagang itong art na ‘to puwede ko ng masasabing masayang-masaya akong mai-share ko sa inyo ito. Medyo kakaiba ito, first time.”
Hindi na inasahan ni Ariel na maipapalabas pa ang pelikula nila ni Maverick; tungkol ito sa struggle nila sa pag-a-apply nila sa American Idol sa Hollywood.
“Tapos ‘yung struggle ko kung paano ko siya nabuo, so medyo realidad ito, ‘yung nasangla ko ‘yung bahay ko, etcetera.”
Hanggang sa gabing iyon na kausap namin si Ariel ay hindi pa rin sila nagkikita o nagkakausap ni Maverick; maraming taon ng hindi alam ni Ariel kung nasaan ang dating ka-tandem sa telebisyon.
“Alam mo okay kami ni Maverick pero sa totoo lang nasaktan siya sa industriya kaya nag-iba na siya ng venture, eh. Nasaktan siya eh, kaya… medyo masakit talaga.”
Nasaktan si Maverick sa naging direksiyon ng showbiz career nila, na wala na silang regular TV shows at halos nawala sa sirkulasyon.
Pero si Ariel, bakit kinaya niya ang mga nangyari, bakit naging mas matibay siya kaysa kay Maverick?
“Hindi, kasi unang-una, may day job ako, eh. Siya walang day job kaya talagang ‘yung impact sa kanya mas malakas. Kumbaga iyan lang ang inaasahan mo, medyo ‘yung medyo umangat ng kaunti, naiba ‘yung lifestyle, tapos biglang…”
Nawala.
“Oo eh, kaya medyo…”
Marami ring pinagdaanang pagsubok si Ariel sa mga nakalipas na taon; namatay ang ina niyang si Mommy Elvie Villasanta, naghiwalay sila ng businesswoman na si Cristina Decena at iyon nga, nawalan sila ng TV show.
“Mabigat din ‘yung sa akin! Alam mo ‘yung sa akin, noong inalis ako sa show, eksaktong Ondoy ‘yun, nasa Provident lumubog ‘yung buong bahay namin!
“After niyon, eh ‘di inalis ang show, nagka-Ondoy, lumubog ang buong bahay namin, nagkakanser naman siya [Mommy Elvie].
“Sunod-sunod ‘yung sa akin!”
Mas strong siguro ang personality ni Ariel kaysa kay Maverick.
“Puwedeng ganoon. Pero ito sasabihin ko lang sa inyo, itong pelikulang ito, tandaan ninyo, Diyos ang may gawa nito!
“Kung ako lang mag-isa, hindi ko naman sila kakilala, eh. Diyos ang gumalaw dito, maniwala kayo sa akin. ‘Yung pagpayag lang ni Presidnete Duterte, ni Mayor Sara Duterte, nila Senator [Antonio] Trillanes.”
Nasa pelikula rin (na palabas ngayong Miyerkoles, November 27 sa mga sinehan) in cameo appearances sina Senator Manny Pacquiao, Senator Bong Go, Manila Mayor Isko Moreno, American Idol finalist Jasmine Trias at marami pang iba.
Paano ba ang approach na ginawa ni Ariel para mapapayag niya ang mga kilalang personalidad na mag-cameo sa pelikula nila?
“Kasi kaya sila pumayag, nakatutuwa ehz Sabihin ko, ‘Sir isa po akong struggling artists, eh medyo matagal na po akong walang show…’
“Eh napapanood pala nila ako rati. Si Mayor Sara sabi, ‘Ariel, I’m watching you noong naglo-Law ako!’
“Kaya lang pumayag kasi pinapanood pala nila ako rati, natutuwa sila rati kaya sila pumayag.
“Sabi ko, ‘Ma’am, eh last chance ko na ito so sana…’
“Alam mo ‘yung ‘pag nariririnig nila ‘yun, kaya sumuporta sila.”
Dahil marami siyang koneksiyon, wala bang plano si Ariel na pasukin ang politika sa eleksiyon sa 2022?
“Alam mo sa totoo lang dati pa kinukuha akong konsehal diyan sa Marikina.
“Ayoko talaga! Kasi alam mo kunwari kumuha ako ng P1,000, kumulimbat ako ng P1k o P1-M, pareho lang ‘yun!
“Kunwari pambayad ng koryente ko medyo kumulimbat ako ng P1,000 dito, o P10-M, nakaw pa rin ‘yun!
“Kaya sa akin, ito tandaan n’yo ha, kahit medyo naghihirap ako, importante pa rin, patas akong lumaban.”
Eh di tumakbo siya pero huwag siyang mangulimbat.
“Hindi kasi minsan alam mo kumbaga sa akin kasi do not underestimate the forces of evil. Minsan kasi ang temptation malakas ‘yan, eh.Ngayon ayoko nang… ‘di ba may kasabihan ang mga matatanda, huwag kang maglaro sa putikan para hindi ka maputikan?
“Kaya ako para iwas na lang, bayaan mo ng minsan eh, medyo napuputulan ako ng telepono, basta ang importante patas lang.”
Nagsasalita ng tapos si Ariel, hindi siya tatakbo o papasok sa politika.
”Never, ayoko. Tutulong na lang ako. Alam n’yo pangarap kong tumulong eh, pero puwede ka namang tumulong kahit hindi ako… kunwari nalaman ko ikaw, ‘yung anak mo, kailangan ng tuition, ‘Halika sagot ko na ‘yan!’
“‘Yung mga ganoon na pagtulong, in my own little way.”
Sa kasalukuyan ay nagtatrabaho si Ariel sa HR o Human Resource department ng PLDT.
“Under ng HR, sa training department. Sa Creatives, kunwari trainor ka, para maging maganda ‘yung turo mo, may video, gumagawa rin ako ng mga video.
“Creative ako roon.”
Rated R
ni Rommel Gonzales