Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Kulturang Pinoy?! ‘Crab mentality’ ni Sen. Frank Drilon sisira sa SEA games

DESMAYADO ang marami nating kababayan sa panggigisa ni Senator Franklin Drilon kay Senator Bong Go tungkol sa awtoridad ng Philippine South East Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa pamamahala ng nalalapit na SEA games, habang nakasalang sa plenaryo ang panukalang budget ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa susunod na taon.

Ayon sa isang opisyal, tila wala sa lugar ang pang-uungkat ni Minority Leader tungkol sa lumang isyu tulad ng “legal personality” ng PHISGOC lalo’t halos dalawang linggo na lang at gaganapin na ang SEA Games sa bansa. Hindi natin alam kung ano ang tunay na motibo sa paghalukay ng lumang issues ilang araw bago ang opening ceremonies.

Sana ay naisip ni Senator Drilon na ang kanyang mga sinasabi ay maaaring makapagdulot ng demoralisasyon sa hanay ng mga atleta, manggagawang nagtatrabaho para sa SEA games at higit sa lahat ay maaaring makasira sa reputasyon ng ating bansa.  

Ang nakikita natin dito, malala ang crab mentality. Sana naman ay huwag pairalin ang crab mentality. Dapat bigyan natin ng buong suporta ang ating mga atleta para makapokus sila sa kanilang pagsasanay at paghahanda.

Imbes magsiraan at hatakin pababa ang mga opisyal ng organizing committee, dapat sana ay tumulong si Senator Drilon para masegurado ang tagumpay at panalo ng mga atletang Filipino.

Matapos ang 14 taon, ngayon lang muling naitalagang host ang Filipinas ng South East Asian Games. Isa itong makasaysayang event para sa mga atletang Filipino at magbibigay ng pagka­kataon sa ating bansa upang ipakita sa buong mundo ang kagalingan ng ating bansa.

Nakalulungkot talaga. Imbes suportahan ang organizing committee upang iangat ang antas ng “hosting” ng regional multi-sport event, maraming mga tao at grupo mula sa sports community, maging mga politiko ang tila ayaw magtagumpay ang Filipinas sa hosting ng SEA Games.

Kung ating matatandaan, kinaltasan ng Senado ng 33% ang inilaang pondo para sa SEA Games hosting. Mula sa P7.5 bilyon, naging P5 bilyon lamang. Mabuti na lang at nadagdagan ng P1 bilyon ang pondo ng SEA games hosting dahil sa tulong ng Office of the President. 

Sa kabila ng kakulangan ng oras at pondo, ‘di pa kasama rito ang walang katapusang awayan sa sports community, nakita natin ang puspusang paghahanda at pagtayo ng world-class sports facilities sa New Clark City.

Ganoon din ang pagdating ng maraming suporta mula sa pribadong sektor na nakapag­dagdag ng pondo sa paghahanda.

Nakalulungkot maisip na maraming nag­sasabing mga politiko na sumusuporta sila sa ating mga atleta ngunit parang kabaliktaran naman ang kanilang ginagawa. Kung totoong gusto nilang mas maraming medalya ang maiuwi ng ating mga atleta, hindi natin guguluhin ang SEA Games hosting at ipagkakait sa kanila na magkaroon ng makabago at world-class na facilities. 

Ang matagumpay na SEA games hosting ay dapat nating iaalay sa ating mga manlalaro.

Bilang isang beteranong abogado at mamba­batas, sana ay nagsagawa si Drilon ng konting pananaliksik tungkol sa mga probisyon sa SEA Games Federation Charter. Isinasaad dito na ang pagdadaos ng SEA games ay pinapaubaya sa National Olympic Committee (NOC) o sa special Organizing Committee na itinalaga ng NOC. Malinaw din sa Charter ng SEA Games na ang kapangyarihan ng Organizing Committee ay matatapos din pagkatapos ng SEA Games.  

Noong 2015, nag-host ang Singapore at noong 2017 noong naghost ang Malaysia, nagtayo rin sila ng mga special organizing committees tulad ng Singapore SEA Games Organizing Committee (SINGSOC) at Malaysian Sea Games Organizing Committee ( MASOC) 

Pinamunuan ni Lim Yek Tin ng Singapore Sports Council ang SINGSOC at pinamunuan naman ni Khairy Jalamuddin na Minister ng Youth at Sports ang MASOC.

Ibinatay ng kasalukuyang PHISGOC ang kanilang estruktura sa dating set-up na ginawa noong 1991 na nagtatag ng Manila SEA Games Organizing Committee Foundation Inc. (MANSOC), at noong 2005 na nagtayo rin ng Philippine SEA games Organizing Committee Foundation Inc. 

Si Presidente Rodrigo Duterte mismo ang nag-utos na hindi maaaring hawakan ang Organizing Committee ng isang ahensiya lamang maging PSC o POC man ito. Sa ganitong paraan, mas masisiguro na maiiwasan ang katiwalian dahil kung mas marami ang miyembro ng committee mas magkakaroon ng check at balance.

Sa pamamagitan ng organizing committee, magkakaron ng “multi-sectoral” approach sa pagdaraos ng SEA games na ang iba’t ibang sektor tulad ng kabataan, atleta at national sports associations ay mabibigyan ng boses at partisipasyon.

Ang malaking katanungan ngayon ay bakit pinapalaki ang isyu tungkol sa legal personality ng “Organizing Committee” kung naisagawa na ito noong 1991 at 2005.

Gamitin ang ‘kulay’ para sa masayang buhay at disposisyon — at hindi kulay sa pamomolitika.

May kasabihan: kung walang magandang sasabihin, itikom na lamang ang malaking bunganga.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *